NAKAAMBANG SIBAKAN SA CUSTOMS TILA MAPABIBILIS

TAMBULI ni JESSE RUIZ

MUKHANG magkakatotoo ang umuugong na sibakan sa bakuran ng Bureau of Customs bunsod ng mga alingasngas na sabit sa mga anomalya ang ilang mga tauhan sa Aduana.

Sana naman hindi totoo na may isang opisyal ng Aduana ang nanganganib na masibak dahil hindi siya OK kay Ma’am.

Baka raw mapabilis ang nakaambang sibakan kung hindi matutugunan ang lumulutang na mga kontrobersya sa ilang mga tauhan ng Customs na may kaugnayan sa smuggling gaya ng isang insidente hinggil sa akusasyong recycling ng mga nakumpiskang smuggled tobacco products.

Kamakailan mga Katoto, ay may nag-abot ng isang dokumento na lalong magpapatunay sa ibinulong sa ating impormasyon.

Tungkol ito sa isa sa dalawang kawani ng Bureau of Customs na sinampahan ng kaso ng PNP-Metro Manila Highway Patrol Group sa pagbebenta umano ng ilegal na sigarilyo mula sa isang warehouse sa Sta. Maria, Bulacan na kanilang sinalakay noong Agosto.

Ayon sa isang Customs Personnel Order (CPO), itinalaga pala si AA Jr., isang Administrative Aide 2 (Messenger), sa Customs house sa Ninoy Aquino International Airport.

“Hindi pa nakapag-take oath of office ‘yan si Alex,” saad ng isang insider.

“Kaka-submit pa lang ng requirements noong Agosto 10,” dagdag nito.

Batay sa nakalap na CPO, “Relative thereto, all the documentary requirements related to the attestation of appointment by the Civil Service Commission, as in the Checklist of Requirements to be sent by the Human Resources Division via electronic mail, must be compiled not later than 10 August 2026.”

Nasa isang investigative report na isinumite kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, na si Special Agent Joy “Joy” Solmayor lamang ang merong valid Mission Order sa nasabing warehouse kaya kinukuwestiyon ng Customs Police-Enforcement Security Service kung bakit nandoon din si AA.

Kalat na kalat sa mga balita, na nagsagawa ng raid ang PNP-HPG sa Sta. Maria, Bulacan noong Agosto 19, mahigit isang linggo pa lamang pagkatapos pinagsumite ng requirements si AA para sa kanyang puwesto sa BOC-NAIA. Ang layo pala nang narating nitong si AA mula sa airport na kanya dapat pinagtatrabahuan.

Ano na naman kaya ang masasabi ni Commissioner Nepomuceno tungkol dito? Hindi lang pala ang kanyang sasabihin ang dapat nating alamin. Mas mahalagang malaman natin kung ano ‘yung dapat niyang gawin. Mukha na naman kasing nalusutan siya ng kanyang sariling tauhan gaya nitong 15 trailer trucks na may kargang ismagel na sigarilyo na naharang ng Central Luzon Police sa magkahiwalay ng operasyon sa Bataan at Pampanga noong gabi ng Sept. 7.

Nagkakahalaga ito ng malapit sa isang bilyong piso at nagmula ito sa isang seaport sa Mariveles, Bataan.

71

Related posts

Leave a Comment