EXPANDED SOLO PARENTS WELFARE ACT, PIRMA NA LANG NI DUTERTE HINIHINTAY

IKINATUWA ni Senator Risa Hontiveros ang ratipikasyon ng bicameral report sa Expanded Solo Parents Welfare Act, na kanyang isinulong sa Senado.

“Isang belated pamasko ito para sa kapwa ko solo parents. Pirma na lang ng Pangulo, magiging batas na. Matagal nang humihingi ng saklolo ang milyon-milyong solo

parents sa ating bansa, kaya ikinagagalak nating ibalita sa bawat solo mama at solo papa na sa wakas, nakahanda na ang tulong at alalay,” saad ni Hontiveros.

Kasama sa panukalang batas ang mga karagdagang benepisyo para sa mga solo parents at kanilang mga anak, tulad ng monthly cash subsidy na P1,000 bawat solo parent na kumikita ng minimum wage at pababa; 10% na diskwento sa mga gamot para sa mga solo parent na may mga anak na 6 taong gulang pababa, at kumikita ng mas mababa sa P250,000 taun-taon; automatic na magiging miyembro ng PhilHealth; at educational scholarship programs na mula sa DepEd, CHED, at TESDA.

“Bilang solo parent na nagpalaki ng apat na anak, alam ko na napakalaking ginhawa ang makatanggap ng pampinansyal na suporta. Ako mismo naranasan kong umutang para matustusan ang tuition ng aking mga anak, kaya ang mga oportunidad para sa mga educational scholarship ay tiyak na malaking tulong din,” dagdag ni Hontiveros.

“Dahil sa K-12 system na nagpahaba ng pag-aaral ng mga anak, ang solo parents ay may karapatan pa rin sa mga benepisyo hanggang sa tumuntong ang aming dependent ng 22 years old,” paliwanag pa ng senador.

Pinalawak din ng panukalang batas ang kahulugan ng solo parent, kung saan kasama na ang asawa o sinumang miyembro ng pamilya ng isang OFW na nagsisilbing tagapag-alaga ng bata o mga anak, basta’t ang OFW ay a low/semi-skilled worker at hindi nakauwi sa Pilipinas ng 12 buwan na tuloy-tuloy.

Maaari ring makinabang ang sinumang legal guardian, adoptive o foster parent, at solo grandparent na solong nangangalaga at sumusuporta sa isang bata o mga bata.(Dang Samson-Garcia)

88

Related posts

Leave a Comment