(NI BERNARD TAGUINOD)
PINALAGAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapasara umano ng Department of Education (DepEd) sa may 55 Lumad school sa Region 11 dahil sa pagtuturo umano ng idelohiyang pang-komunista.
Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Eufemi Cullamat dugo at pawis ang ipinamuhunan umano para maitayo ng 55 Lumad School na pag-aari at pinapatakbo ng Salugpungan Ta’ Tanu Igkanogon Community Learning Centers sa Davao Region.
“Sa ginawa nilang ito ay ipinakikita ng DepEd na ipinagkakait nila ang karapatan ng mga Lumad na magbasa, magsulat at matuto. Gusto ng DepEd na hindi mamulat sa tunay na katotohanan ang mga Lumad para patuloy lang silang lokohin, apihin at tanggalan ng karapatan para madali lang nila agawin ang lupang ninuno na siyang buhay ng mga katutubong Lumad,” ani Cullamat.
Itinanggi ng lady solon na tinuturuan ang mga kabataang Lumad ng mga idelohiyang pang-komunista na siyang pangunahing dahilan ng DepEd sa pagsasara sa mga eskuwelahang ito.
Gayunpaman, inamin ni Cullamat na itinuturo ng Salugpungan ang tunay na kultura ng mga katutubo at pagpapalahalaga sa kanilang lupang ninuno para protektahan ang kalikasan.
“Sa kanilang pag-aaral ay natututunan ng mga Lumad na dapat nilalabanan ang panghihimasok ng mga malalaking korporasyon ng mga mina, logging at iba pang kampanya na nakakasira sa kanilang lupang ninuno,” anang mambabatas.
Subalit imbes na kilalanin at suportahan aniya ng DepEd ang pagpupursigeng ito ng mga katutubo ay ginigipit pa ang mga ito kaya ipapakandato pa ng ahensya ang 55 Lumad school.
170