NCR ‘DI PA HANDA SA ‘NORMAL’ GCQ

HINDI pa ito ang tamang panahon o maituturing na “bubot” pa para isailalim sa “least restrictive” modified general community quarantine (MGCQ) status ang NCR Plus matapos ang Hunyo 15 sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na malabo pang isailalim sa “ordinary” GCQ ang NCR Plus o ang Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal simula sa Hunyo 16.

Ang NCR Plus ay kasalukuyang nasa ilalim ng GCQ “with restrictions” hanggang Hunyo 15.

“Ang problema po natin mataas pa rin yung actual numbers, hindi pa tayo nakakabalik sa mga numero natin bago pumasok ang new variants,” ayon kay Sec. Roque.

Bago pa nalaman ang bagong coronavirus variants sa bansa, ang Metro Manila, ayon kay Sec. Roque, ay nakapagtala ng 1,000 bagong COVID-19 cases araw-araw.

Magkagayon pa man, hindi isinailalim sa MGCQ ang Metro Manila.

Nito lamang nakalipas na Linggo (Hunyo 13), nakapagtala ang Department of Health ng 7,302 bagong COVID-19 infections, dahilan para umabot sa kabuuang tally na 1,315,639.

Samantala, nakatakdang magpulong ngayong Lunes ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) para pag-usapan ang susunod na quarantine classifications hindi lamang sa NCR Plus kundi maging sa ibang lugar.

Ang rekomendasyon ay isusumite kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte para aprubahan.

Si Sec. Roque ay tagapagsalita rin ng IATF.

Ang Metro Manila mayors sa kabilang banda ay sang-ayon naman sa posibilidad na isailalim ang rehiyon sa “normal” GCQ simula Hunyo 16.

Para naman kay Dr. Guido David ng OCTA Research, hindi pa handa ang NCR Plus para sa MGCQ, subalit ang anomang hakbang na gagawin para paluwagin ang restriksyon ay marapat na gawin nang dahan-dahan.

“Maaari tayong magluwag, pero tulad ng ginagawa na natin dati dapat ay dahan-dahan. Expand tayo ng capacity, dagdag ng businesses,” aniya.

Aniya pa, hindi pa nila namo-monitor ang transmission ng COVID-19 sa mga negosyo.

“Okay lang magluwag tayo ng restrictions sa businesses kasi may restrictions naman sila na pinapatupad,” aniya pa rin. (CHRISTIAN DALE)

187

Related posts

Leave a Comment