NEGOSYANTE NAHAHARAP SA PATUNG-PATONG NA KASO

NAHAHARAP ngayon sa patung-patong na kaso ang isang Chinese national na negosyante matapos ireklamo ng kanya mismong mga empleyado.

Tinukoy ang negosyante na isang Irwin Chua, may-ari umano ng Real Steel Corp. sa San Simon, Pampanga na inireklamong nagmaltrato umano ng mga empleyado.

Ayon kay San Simon police chief, Maj. Gregorio Santos, nahaharap sa kasong attempted homicide, dalawang physical injuries, apat na grave threats, at limang illegal detention si Chua at mga opisyal ng naturang kumpanya na tunawan ng bakal.

Matatandaan na nitong ika-10 ng Setyembre, mahigit 50 empleyado ang nailigtas ng mga awtoridad mula sa nasabing kumpanya, matapos magreklamo ang mga ito na minamaltrato sila at ikinukulong sa loob ng kumpanya.

Hindi rin daw maayos ang pasahod at kulang ang mga benepisyo na ibinibigay sa kanila.

Ayon naman kay Geraldine Panlilio, Assistant Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE), nahaharap din sa patung-patong na kaso ng paglabag sa labor law si Chua at ang kasamahan nito.

Sa kasalukuyan ay mayroong 42 Chinese na may Alien Employment Permit (AEP) ang nagtatrabaho sa Real Steel Corp.

Nagbabala naman ang DOLE at pulisya, na posibleng maipatapon palabas ng bansa ang mga naturang Chinese dahil sa kabi-kabilang paglabag sa batas sa Pilipinas.

Ayon naman kay PNP Spokesman, Col. Ysmael Yu, agad silang magpapadala ng mga tauhan sa San Simon municipal building, matapos makatanggap ng ulat na nakararanas ng pananakot ang mga nailigtas na empleyado na pansamantalang nanunuluyan sa basketball court habang hinihintay ang bayad sa kanila ng kumpanya. (CESAR BARQUILLA)

79

Related posts

Leave a Comment