INAASAHAN na ng Philippine National Police ang dagsa ng mga raliyista sa darating na Labor Day, kasabay ng paghahanda para matiyak na magiging mapayapa at maayos ang taunang kilos-protesta ng mga manggagawa.
Pangungunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panawagan para sa malawakang pagkilos sa Mayo Uno 2026, kung saan igigiit ang dagdag-sahod, pagwawakas sa kontraktwalisasyon, at aksyon sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at langis.
Ayon kay Jerome Adonis, Chairperson ng KMU, tuloy ang pagkilos para ipaglaban ang karapatan ng manggagawa at magsasaka sa gitna ng lumalalang krisis sa kabuhayan.
Sentro ng pagkilos sa Metro Manila ang Mendiola, isang makasaysayang lugar na ilang ulit nang naging tagpuan ng malalaking demonstrasyon, kabilang ang Mendiola massacre.
Bukod sa mga isyung lokal, inaasahang ihahayag din ng mga grupo ang pagtutol sa umiinit na tensyon sa Gitnang Silangan at panawagan sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tugunan ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
Makikiisa rin sa mga kilos-protesta ang Bagong Alyansang Makabayan at All Workers Unity, kasama ang iba’t ibang grupo sa mga rehiyon tulad ng Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Visayas, at Mindanao.
Matatandaang bahagi ang mga pagkilos na ito ng pandaigdigang paggunita sa International Workers’ Day.
“We will bring our anger to Malacañang…” pahayag ni Adonis, sabay giit na lumalakas ang panawagan ng mga manggagawa sa gitna ng krisis sa ekonomiya.
(JESSE RUIZ)
43 