OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
MULING dumulog at humingi ng saklolo ang pamilya ng isang overseas Filipino worker (OFW) matapos umanong ma-hold sa immigration at muling makulong sa Saudi Arabia ang kanilang mahal sa buhay. Ang OFW na kinilala bilang si Al Arcillas, 42-taong gulang, may asawa, ay nagtatrabaho bilang Safety Officer sa Dammam, Saudi Arabia.
Ayon sa detalyadong salaysay ng kanyang asawa na si Cristelle, nag-ugat ang kasalukuyang sitwasyon sa isang insidenteng naganap noong 2019 kung saan na-deport si OFW Al matapos masangkot sa isang drug case na mariing itinatanggi ng pamilya.
Ayon sa kanila, isang katrabaho umano ang naglagay ng ilegal na droga sa sasakyan ni Al, dahilan upang siya ay maharang sa checkpoint sa Jizan, makulong, mailipat sa Jeddah, at tuluyang ma-deport pauwi ng Pilipinas.
Makaraan ang anim na taon, muling nagbakasakali si OFW Al na makabalik sa Saudi Arabia sa paniniwalang maaari na siyang makapagtrabaho muli. Noong Disyembre 5, 2025, huling nakausap ng kanyang asawa si OFW Al habang nasa connecting flight mula Pilipinas patungong Bahrain at papunta sana ng Dammam. Bandang alas-sais ng umaga sa Pilipinas, mabilis na nag-update si OFW Al na siya umano ay na-hold sa immigration at naiwang mag-isa, habang ang anim niyang kasamahan ay pinayagang makaalis.
Mula noon, naputol ang komunikasyon hanggang sa muling makatawag si Al bandang alas-tres ng madaling araw at ipinaalam na siya ay kasalukuyang nakakulong sa Jizan Jail. Lubos ang pangamba at pag-aalala ng pamilya sa kanyang kalagayan, lalo’t sariwa pa ang sugat ng nakaraan at ang pangarap na muling makapagtrabaho para sa pamilya ay muli umanong gumuho.
Dahil dito, humihingi ng agarang legal at repatriation assistance ang pamilya at nananawagan sa Philippine Embassy, OWWA, at sa mga kinauukulang ahensya na agad makipag-ugnayan at pabilisin ang aksyon upang maibalik nang maayos at ligtas sa Pilipinas si Al Estudillo Arcillas sa lalong madaling panahon. Ang pamilya ay patuloy na umaasa sa mabilis at makataong tugon ng pamahalaan para sa kapakanan ng isang OFW na muling nahaharap sa matinding pagsubok sa ibayong-dagat.
108
