OFW, TUMALON SA BINTANA SA RIYADH

Aksyon OFW

MAGANDANG araw mga ka-Saksi. Ingat po palagi sa ­COVID-19 at palagiang magsuot ng mask para iwas sa hawaan.

Nakatanggap po tayo ng mensahe sa kamag-anak ng isang OFW na nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia ­kamakalawa.

Humihingi po ng tulong sa POLO-OWWA sa Riyadh ang pamilya ni kabayaning Jean D. Herrera, 29-anyos, tubong Masbate na makuha at mapauwi na siya sa Pilipinas.

Dumating si kabayaning Jean sa Riyadh noong April 4, 2021 at nai-deploy ng SAMA INTERNATIONAL RECRUITMENT AGENCY.

Ang kanyang amo ay ­nakilalang si Abdulrahman ­Shaeaa Abdulrahman Al Khemesah.

Narito ang mensahe sa ­Aksyon Bantay OFW ng kanyang ama na si Hadji Herrera na residente ng Barangay Bugtong, Mandaon, Masbate;

“Humihingi po kami ng tulong at ito po ang aming problema kay Jean D. Herrera, halos may tatlong buwan na po na hindi namin nakakausap nang maayos, ‘pag kinakausap po namin, hindi po nagsasalita sa pamamagitan po ng video call, pangalawang problema, ayaw pumirma at pangatlo tumalon sa bintana.

Lubos na gumagalang, Hadjie B Herrera.”
Idinulog na po natin ang concern ni Ginoong Hadjie Herrera kay AKOOFW party-list nominee Dok Chie Umandap para sa agarang aksyon ng OWWA at iba pang concerned agencies para mapauwi na si kabayaning Jean.

Nagpapasalamat po tayo sa ating advocate na si OFW Bhing, President ng SRMG.

Good News!

Ikinatutuwa ni Dok Chie ang sunod-sunod na pagsibol ng mga bagong negosyo ng iba’t ibang grupo ng mga OFW dahil sa OWWA Grant na kanyang isinulong noong siya pa ang kinatawan ng mga OFW sa OWWA Board of Trustees.

Sinabi ni Dok Chie na naka­tataba ng puso na ang ating programa ay napapakinabangan na ng maraming grupo ng mga OFW at mga beteranong OFW.

Maganda rin ang panukala ni Dok Chie na gawing ganap na batas ang pagkakaloob ng OFW LIVELIHOOD GRANT na TULONG PUSO para matiyak na ang programang ito ay magpapatuloy kahit pa magpalit-palit pa ng administrasyon.

Sakaling maisabatas, hindi lamang sa OWWA funds ang pagmumulan ng pondo nito kundi pati na rin sa taunang General Appropriations Act.

Isa pang good news! Ipinag­mamalaki ng Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs (DFA-OUMWA) na umabot na sa 456,223 ang bilang ng Overseas Filipinos ang napauwi ng gobyernong Duterte.

As of 21 January 2022, sa kabuuang bilang na ito, 350,604 ang land-based workers at 105,619 naman ang seafarers.

Mabuhay at saludo ako sa mga bagong bayani sa buong mundo!!

Para sa inyong komento, suhestyon at reaksyon, mag-send lang po sa dzrh21@gmail.com.

162

Related posts

Leave a Comment