ANG NHA NOON AT NGAYON

PUNA Ni JOEL AMONGO

KAKAIBA ngayon ang National Housing Authority (NHA) sa pamumuno ng bagong administrator nito na si General Manager Joeben Tai, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa mga nakaraang ­administrasyon ay hindi naririnig kung ano ang mga aktibidad sa NHA. Pero ngayon, hindi lang usapin sa pabahay ang tinututukan ni GM Tai kundi maging ang pagtulong sa mga nasasalanta ng bagyo sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Tulad lamang kamakailan ay namahagi siya ng P20 milyong cash assistance sa mga biktima ng Bagyong Odette sa Cebu.

Nasa dalawang libong pamilya na nasiraan ng kanilang mga bahay na binayo ng Bagyong Odette noong nakaraang ­Disyembre 2021, ang nakatanggap ng cash assistance mula sa NHA noong Nobyembre 18, 2022.

Pinangunahan ni GM Tai ang distribusyon ng tulong pinansyal ng NHA sa 1,000 pamilya mula sa Lapu-Lapu City.

Aabot din ng 559 pamilya mula sa Carcar City at 441 pamilya mula Naga City ang nabigyan ng ayuda ng NHA.

Bawat isa sa benepisyaryong mga pamilya na naapektuhan ng nasabing bagyo ay tumanggap ng sampung libong piso (P10K). Malaking bagay ito sa naapektuhan ng kalamidad.

Ang nasabing cash aid ay mula sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng NHA.

Ito ay mabilisang tugon ng NHA sa mga kuwalipikadong low-income and marginalized families na naapektuhan ng natural o man-made calamities.

Isa sa priority programs ni GM Tai ang distribusyon ng kabuuang P2.419 bilyong pondo ng EHAP simula nang manungkulan siya sa kanyang opisina noong Agosto 1, 2022.

Mayroon pa lang ganitong pondo ang NHA. Bakit dati hindi marinig ng mga taga-media ‘yan? Anyare sa mga nakaraang administrator ng NHA?

Kailangan bang isikreto ‘yan?

Ibig sabihin, masipag talaga si GM Tai, “transparent” siya sa kanyang mga programa sa NHA.

“Gusto lang nating masabi sa ating mga kababayan na marami pong pangako ang NHA sa mga natamaan ng mga kalamidad dati, iisa-isahin po namin kayo, walang nakakalimutan. Babalikan po namin kayo upang maibigay ang EHAP,” ani GM Tai.

Paglaki ko gagayahin ko si GM Tai, Joke! Ang dapat gumaya sa kanya ang ibang mga opisyal ng gobyerno, magsipag at maging transparent sa kanilang mga ginagawa. ‘Di ba, mga bossing?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

26

Related posts

Leave a Comment