OFW AYAW PAUWIIN NG AMO, NAGTANGKANG MAGPAKAMATAY

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

LABIS-LABIS ang ­pag-aalala ng isang ina mula sa Tupi, South Cotabato dahil nakarating sa kanyang kaalaman ang tangkang pagpapaka­matay ng kanyang anak na nasa Riyadh, Saudi Arabia.

Ang kanyang anak na si Aisa Batatas ay nakarating sa Saudi Arabia noong Disyembre 19, 2018 sa pamamagitan ng Henson International Human Resources.

Kamakailan ay nagpadala ng sumbong si Aisa sa kanyang ina at sinabi nito na gusto na ­niyang umuwi sa Pilipinas dahil sa ­kanyang dinaranas na ­pananakot ng kanyang kasama sa ­trabaho.

Diumano ay ­sinabihan siya na ­susunugin siya nito at ­pinapalayas sa kanilang tinitirhan.

Nagsabi ito sa kanyang amo at nakiusap siya na pauwiin na ­lamang siya sa Pilipinas dahil natapos na naman niya ang ­kanyang kontrata. Ngunit imbes na siya ay pauwiin ay ­sinabihan lamang siya na kung gusto ­niyang umuwi ay dapat na siya ang magbayad ng sarili niyang pamasahe sa eroplano.

Nag-ipon siya ng sarili niyang pamasahe ngunit pinaasa lamang siya ng kanyang amo dahil hindi naman nito tinutupad ang pangako na siya ay bibigyan ng exit permit.

Ngunit nitong nakaraang Martes ay nabalitaan ng kanyang ina na isinugod sa ospital ang kanyang anak na si Aisa dahil sa pagtatangka nitong magpakamatay. Ang sitwasyon ni Aisa ay agad nating ipinarating sa kaalaman ni Welfare Officer ­Racquel Kunting at pati na rin sa One Repatriation Command Center sa pamumuno ni Director Yolanda Penaranda.

Samantala, isa namang kahindik-hindik na video ang ipinadala sa akin ng ating AKO OFW Kuwait Chapter president na si Romano Roman na kung saan ay napakalakas na agos ng dugo ang pumupuslit sa kamay ng isang OFW na nasa Kuwait na si Angel.

Ayon sa inisyal na report na aking natanggap ay ­sinaksak si Angel ng kanyang amo na lango sa alak. Mabuti na lamang at nasangga ni Angel ang kamay ng kanyang amo at sila ay ­nagpambuno at nakatakas. Sa video na ipinadala ni Angel ay makikita ang labis niyang takot at talagang napakalakas ng agos ng dugo sa kanyang kamay.

Mabilis na nakipag-ugnayan si AKO OFW president Roman kay Labor Attaché Naser Mustafa na mabilis na tumawag sa Telepono 112 ng Kuwait Police upang saklolohan si Angel. Naging maagap din ang ating Assistance to National Unit (ATNU) ng Philippine Embassy na agad na nagtungo sa Jabriya Police Station.

Sa kasalukuyan ay nabigyan na ng karampatang lunas sa kanyang sugat si Angel at nasa pangangalaga na ng ating Philippine Embassy.

Taos pusong nagpapasalamat ang AKO OFW sa mga kinatawan ng ATNU at sa ating POLO Officials sa pamumuno ni Labor Attaché Mustafa, sa kanilang mabilis na aksyon upang maagapan ang mas malalang pangyayari na maaaring ibuwis ng buhay ng ating kabayaning OFW.

Tututukan ng ating AKO OFW ang kasong ito nina Aisa at Angel upang masiguro na mabilis silang mapapauwi sa Pilipinas.

Related posts

Leave a Comment