(NI JG TUMBADO)
BIBILI ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng 178 unit ng revolver grenade launcher na nagkakahalaga ng P106 milyon na gagamitin ng Philippine Army.
Ayon Kay Phil Army spokesperson Lt. Col. Ramon Zagala, ang revolver grenade launcher ay mas makapagpapalakas ng firepower ng mga combat squad na tumutugis sa NPA at iba pang mga terorista.
Paliwanag ni Zagala, kasalukuyang gumagamit ng grenade launcher ang mga sundalo pero ito ay “single barrel” lang na nakakabit sa mahabang armas.
Aniya ang bagong revolver grenade launcher ay isang hiwalay na launcher na may anim na barrel, na kaya ng sunod-sunod na pagpapaputok ng M203 grenades sa engkwentro.
Kung dati-rati ay kailangan aniya ng anim na sundalo para magpasabog ng anim na 40mm grenade sa engkwentro, ngayon ay isang sundalo nalang ang makakagawa nito ng mas mabilis pa.
Ang pre-bid conference para sa mga naturang armas ay isinagawa nitong Mayo 16, at bubuksan ang mga sealed bids sa May 29.
