NASAKOTE ng mga operatiba ng Makati City Police ang isang 23-anyos na lalaki sa anti-illegal drug operation dakong alas-8:38 ng gabi noong Biyernes sa Cattleya St., Brgy. Rizal, Makati City.
Ayon kay SPD Director, P/BGen. Eliseo DC Cruz, ang operasyon ay magkatuwang na ikinasa ng SDEU at SIS operatives sa nabanggit na lugar sa pamamagitan ng isang police poseur buyer na positibong nakabili ng umano’y shabu sa suspek.
Kinilala naman ni Makati City chief of police, Col. Harold P. Depositar, ang suspek na Michael Tumaliuan, residente ng No. Block 157, Lot 23, Magnolia St., Brgy. Rizal, Makati City na nabilhan umano ng isang sachet ng shabu na P500 ang halaga.
Matapos ang bilihan ng police poseur buyer at seller na si Tumaliuan, agad dinamba ng mga operatiba ang suspek.
Nakuha rin sa suspek na si Tumaliuan ang ebidensyang 20 gramo ng shabu na may presyong P136,000.
Nai-turn over na sa SPD Crime Laboratory para sa qualitative at quantitative analysis ang 20 gramo ng shabu na nasamsam mula sa suspek.
Ang suspek ay ini-refer na sa Station Investigation and Detective Management Section nitong Sabado ng madaling araw para sa kasong isasampa sa piskalya na paglabag RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (DAVE MEDINA)
274 