PARA kay Taguig Mayor Lani Cayetano, ang pagkakansela sa Makati Subway Project ay dulot ng kawalan ng malinaw na plano at legal na batayan.
Ayon sa alkalde, naging usap-usapan nitong mga nakaraang araw ang pagkansela sa nasabing proyekto na ayon sa contractor ay hindi na feasible dahil sa desisyong pabor sa Taguig na ibinaba ng Korte Suprema.
Paglilinaw ni Mayor Cayetano, hindi kailanman nakipag-ugnayan sa kanila ang Makati tungkol sa Subway Project.
Aniya, ‘hindi bago magdesisyon ang Korte, at lalong hindi pagkatapos– kaya ang pagsisi sa Taguig ay hindi lamang mali, kundi malayo sa katotohanan’.
“Ngayon, sinasabi ni Mayor Abby Binay na ang Taguig daw ang ‘uncontrollable variable’ na sumira sa plano. Tayo na naman ang itinuro. Pero tanungin natin: kami ba ang pumasok sa multi-bilyong proyekto kahit may kasong nakabinbin? Kami ba ang gumastos para sa mga istasyon na nakatayo sa lupang alam nilang hindi pa tiyak kung kanila?
“Masakit mang tanggapin, pero si Mayor Abby Binay ang natalo sa pinakamalaking kaso sa kasaysayan ng Makati. Mahigit kalahati ng lungsod ang nawala—kasama ang mga barangay, pasilidad, at higit sa lahat, ang mga mamamayan. Hindi Taguig ang sumira sa subway project—ang kawalan ng malinaw na plano at legal na batayan ang tunay na dahilan,” pahayag pa ni Mayor Cayetano.
Giit niya, ginagawa nila nang maayos at legal ang lahat ng proyekto sa Taguig na may tamang konsultasyon, malinaw ang pagmamay-ari, at ang laging nasa sentro ay ang kapakanan ng mamamayan.
“To all the media covering this issue, I appeal to all of you: You don’t have to dig deep. Basic facts will show you that this is Abby Binay’s fault and hers alone. Alam ‘yan ng contractor na kinuha mo. Do not point at the decision of the Supreme Court. Be accountable for your decisions and actions.”
“In the meantime, let me state for the record that I’m open to working with anyone and any group for any transportation program that will ease the plight of our commuters. Hindi po ito dahil sa pulitika, kundi tunay na pagmamalasakit para sa kapakanan ng ating mga kababayan.”
Sinabi niya na handa siya para sa mamamayan ng Taguig at mga komyuter mula sa buong Metro Manila.
