NAGPAHAYAG ng kanilang suporta ang mga senior citizen ng Novaliches, Quezon City kay Senior Citizen Party-list Congressman Ompong Ordanes upang makabalik ito sa panunungkulan matapos ang halalan sa Mayo 12.
“Ito lamang ang aming paraan upang maisakatuparan ang aming mga pangarap,” paliwanag ni Louie Laoit, pangulo ng Liga ng mga Senior Citizen ng Novaliches, ang District 5 ng lungsod.
Saad pa ni Laoit, si Ordanes lamang ang nakapagbigay sa kanila ng tunay na serbisyo bilang lingkod bayan at kongresista.
“Ipinakikita niya talaga ang kanyang pagmamalasakit sa sektor na kanyang kinakatawan,” dagdag pa ng opisyal.
Si Ordanes, anila, ay nakipagtambalan pa kay 5th District Congressional candidate Rose Lin, sa pamamagitan ng Foundation nito para makapagbigay sa kanila ng isang Hemodialysis Center na matatagpuan sa GD Plaza, No. 717 Quirino Highway sa Brgy. San Bartolome, Novaliches.
“Napakalaking bagay ito, para sa amin. Dahil libre ang gamutan sa nasabing dialysis center,” ang sabi naman ni Marcelo Macasinag, ang Vice President ng grupo.
Ayon naman kay Renato Briones, ang kalihim ng samahan ng mga Senior Citizen, nasa tinatayang limampung libong (50,000) miyembro na ang kanilang samahan, na binubuo ng iba’t ibang samahan at organisasyon ng nakatatandang residente ng Novaliches na may labing-apat na mga barangay.
Ang mambabatas ay nasa ikalawa niyang termino kung papalarin muli sa darating na halalan sa Lunes (Mayo 12).
(JOEL AMONGO)
