RAPIDO ni PATRICK TULFO
IGINIIT ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pabor silang magtalaga ng mas istriktong patakaran sa mga online sugal sa bansa at hindi sila pabor sa tuluyang pagpapasara sa mga ito.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Senado kahapon sa mga online na sugal, sa pangunguna ni Sen. Erwin Tulfo, binusisi ng mga senador ang pagiging “accessible” ng mga sugal sa online payment apps tulad ng GCash, Paymaya at iba pa.
Pumapayag naman ang representatives ng GCash at Paymaya na sumunod sakaling ipatupad ng Kongreso ang pag-delink o pagtanggal ng pagkakakonekta ng e-wallets sa mga sugal na nagsimula noon pang taong 2022.
Aminado naman ang PAGCOR na bumaba na ang kita ng ahensya noong umpisahan na ang mas mahigpit na pag-cash in at cash out sa mga e-wallet. Pero ito umano ay mas makabubuti para sa proteksyon ng kanilang mga customer o mananaya.
Mas magandang pag-isipan ng Senado kung paano maghihigpit sa mga online sugal dahil hanggang sa ngayon ay naglipana pa rin ang mga ilegal o walang lisensya mula sa PAGCOR. Ang mga ilegal na online sugal ay mas magiging problema dahil hindi malalaman kung sino ang hahabulin kung ito ay nanloko ng mga mananaya na ‘di mapigilan ang pagsusugal.
Dapat ding magkaroon ng patakaran kung magkano lang ang pwedeng itaya ng isang sugarol upang maiwasan na malubog ang mga ito sa utang.
Hindi na ito pwedeng alisin sa sistema dahil likas na sugarol ang mga Filipino, hahanap at hahanap ang mga ito ng pagkakaabalahan at paggagamitan ng kanilang pera.
