HATI ngayon ang mayorya sa Kamara dahil sa mga napakong pangako ni House Speaker Lord Allan Velasco.
Hindi nagustuhan ng mayorya ang pagtanggal ni Velasco sa mga deputy speaker at committee chairman dahil bukod sa taliwas ito sa kanyang sinabi noong unang araw niyang maupo bilang Speaker, ay ang mga tunay na nagtatrabaho at nagpasa ng priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte kabilang ang Bayanihan 1 at 2 ang mga inalis nito sa pwesto.
Matatandaang nagbitaw ng salita si Velasco nang maupong House Speaker na “I would implement a different type of leadership, one that is shared by all, because I believe that all of the congressmen are professionals and I’m sure we would all want to work hard.”
“All talk lang si Speaker, malayong-malayo kung ikukumpara natin sa nakaraang leadership. Siya ang nagiging cause ng division among the super majority,” ayon sa isang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Sinabi ni Political Analyst Mon Casiple na talagang magkakaroon ng silent majority sa liderato ni Velasco dahil sa dami nang kanyang napangakuan na hindi lahat ay mapagbibigyan, tiyak umano na sa mga susunod na araw ay mas marami pang sibakan ang mangyayari para i-accomodate ang mga kaalyado ng bagong liderato.
Hindi anya maiiwasan na mayroon pa ring supporters si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na nasanay sa kanyang estilo ng pamamahala na biglang naiba nang maupo si Velasco.
Aminado ang political expert na hindi magiging madali ang pamumuno ni Velasco dahil palagian itong ihahambing sa naging paraan ng pamumuno at nagawa ng nauna sa kanya. Giit pa nito na ang magiging malaking challenge sa Velasco leadership ay patunayan na may kakayahan itong mamuno at kayang pagkaisahin ang mga mambabatas na mula sa iba’t ibang partido.
Inasahan ng mga mambabatas ang pangako ni Velasco kay Pangulong Duterte na sila lang ni Cayetano ang magpapalitan ng pwesto at babaguhin ang chairman ng House Committee on Accounts, gayunpaman isang araw pa lamang sa pwesto ay agad nitong tinanggal si Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte na sinundan ng pagsibak bilang Deputy Speaker kina Batangas Rep. Raneo Abu, Capiz Rep. Fredenil Castro, Laguna Rep. Dan Fernandez gayundin ang pagtanggal kay Kabayan Rep. Ron Salo bilang kinatawan ng Kamara sa Electoral Tribunal.
Ang pinakahuling natanggalan ng pwesto ay si Bulacan Rep. Jose Antonio Sy-Alvarado na pinalitan ni Diwa Party-list Rep. Michael Aglipay, brother-in-law ni DPWH Secretary Mark Villar, bilang chairperson ng House Committee on Good Government and Public Accountability – ang komite na nag-iimbestiga sa mahahalagang isyu ng bansa.
Alinsunod sa direktiba noon ni Cayetano ay inimbestigahan ng komite ni Sy-Alvardo ang anomalya sa PhilHealth, ang iregularidad sa pamamahagi ng Social Amelioration Program, ang mataas na presyo ng kuryente ng Meralco sa panahon ng pandemic, ang sitwasyon ng mga Filipino migrant sa gitna ng COVID-19 crisis, ang ABS-CBN franchise renewal at 2021 national budget.
Nagbigay daan ang ginawang imbestigasyon para bumilis ang pamamahagi ng SAP, bumaba ang singil sa kuryente at naging mabilis ang pag-uwi ng mga OFW.
Si Alvarado ay isa sa 70 mambabatas na bumoto laban sa pagbabalik ng prangkisa ng ABS-CBN at sya ring namuno sa franchise hearing ng network kasama ang Committee on Legislative Franchises.
Ang mga bumoto laban sa ABS-CBN franchise ang syang inalisan ng pwesto ni Speaker Velasco habang binigyan ng pwesto ang mga sumusuporta sa giant network kabilang na sina Deputy Speaker Lito Atienza at Rufus Rodriguez.
Para sa isa pang analyst na si Vic Endriga, malabong mapagkaisa ni Velasco ang mga mambabatas dahil ngayon pa lamang ay maugong na ang kudeta laban dito kung saan ang nais umano ng mga mambabatas na maupo bilang House Speaker ay si Majority Leader Martin Romualdez (Lakas-Kampi-CMD) habang maugong din ang pangalan nina Cavite Rep. Pidi Barzaga (NUP) at Sagip Party-list Rep. Rodante Marcoleta na naging matunog ang pangalan matapos pangunahanan ang pagtutol sa ABS-CBN franchise.
157 