HONEST TO GOODNESS CAMPAIGN VS CORRUPTION

MATUTULDUKAN ang korapsyon kung magiging makatotohanan ang kampanya ng gobyerno laban sa korapsyon.

Dapat maalis din ang pamumulitika sa kampanyang ito kasi kung mananatiling may kulay pulitika sa pagtugis sa mga korap na opisyal ay hindi magiging patas ang batas.

Kailangan maipatupad ito sa lahat ng tao maging dilawan ka man o mula sa pula basta’t napatunayang nagkasala sa pagnanakaw ng pondo ng gobyerno.

Maraming administrasyon na ang nagdaan at nagsabing may kampanya laban sa korapsyon subalit hanggang sa ngayon ay nananatiling malala ang nakawan sa kaban ng bayan.

Malakas ang kanilang panawagan sa paglaban sa korapsyon pero pagdating sa huli ay wala rin nangyari dahil nagamit lang sa papogi para sa layuning politikal.

Ika nga sa naka-usap ng PUNA na nakatatanda kailangan maging ‘honest to goodness’ ang maging kampaya laban sa korapsyon.

Kung hindi magiging makatotohanan ang kampanya ay mababalewala ang pagsisikap ni Pangulong Duterte na matuldukan ito.

Nangako ang Pangulong Duterte sa nalalabi niyang taon niya sa kanyang termino ay uubusin niya ang mga magnanakaw sa gobyerno.

Sobrang dami ng mga ahensiya na naghahabol sa mga magnanakaw pero nananatiling walang naipakukulong na malaking isda na nasa likod ng nakawan.

Nariyan ang Sandiganbayan, Ombudsman, Presidential Anti-Crime Commission, Department of Justice (DOJ) at iba pang korte.

Kailangan din hindi lang natatapos sa press release na may korapsyon sa isang tanggapan ng gobyerno dapat maparusahan ang nagkasala.

Madaliin din na mapatawan agad ng parusa ang nagkasala nang hindi na maabutan pa ng susunod na administrasyon.

Baka kasi makahanap pa ng kakampi ang akusado sa susunod na administrasyon na sa halip na maparusahan ay makawala at mabigyan pa ng ­posisyon. Pag nagkataon isang ­malinaw na ‘failure’ na naman ang kampanya ng ­gobyerno laban sa korapsyon.

Ang Sandiganbayan at Office of the Ombudsman ay mga sangay ng pamahalaan na nakatutok sa graft and corruption. Matagal nang naitatag ang dalawang opisinang ito. Pero kung gaano sila katagal ay ganun din ang tagal ng pananatili sa kanila ng mga kaso bago nila ito nadedesisyunan.

Sabi ng iba ay usad Pagong sa kanila ang takbo ng mga kaso.

Dati nakikita pa ng PUNA sa website ng ­Office of the Ombudsman na kadalasan ang mga kasong hawak makalipas ng 10-taon pataas.

Wala na sa pwesto ang opisyal ng gobyerno atsaka pa lang lumalabas ang parusa laban sa kanya.

Lalo pang nagpalabo sa kampanya laban sa korapsyon ay ang paghihigpit ng Ombudsman na makakuha sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno.

Nagagamit daw kasi ito sa paninira laban sa kanila.

Kung talaga namang walang korapsyon ang isang opisyal ng ­gobyerno bakit siya matatakot na makuha ang kanyang SALN?

Hindi lang dapat ang Mega Task Force sa ilalim ng pamumuno ni DOJ ­Secretary Menardo Guevarra ang kumilos para lumaban sa pagtugis sa mga korap kundi lahat ng opisina ng gobyerno.

Kung hindi kasi sila makikipagtulungan sa DOJ ay baka natapos na ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022 ay wala man lang nakasuhan sa mga nasasangkot sa katiwalian.

Sayang naman dahil natatanaw na natin ang kaunlaran ng ating bansa kung magiging ‘ningas kugon’ lang ang kampanya laban sa korapsyon ay hindi uunlad ang bayan ni Juan.

Ang korapsyon kasi ang dahilan kung bakit nananatiling naghihikahos ang bansa natin.

Walang ibang gagawa para matuldukan ang ­korapsyon sa ating bansa kundi tayo ring mga Pinoy at tayo rin ang makikinabang nito bandang huli.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

202

Related posts

Leave a Comment