PAULIT-ULIT NA BAHA SA BULACAN AT ANINO NG PAMUMUNO NI ALVARADO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TUWING bumubuhos ang malalakas na ulan, paulit-ulit ang eksena sa Bulacan: lubog ang mga komunidad, wasak ang kabuhayan, at libu-libong pamilya ang napipilitang lumikas. Sa halip na solusyon, tila baha ng pangako ang dumadaloy mula sa mga lider. Sa gitna ng mga hinaing, muling lumulutang ang tanong: bakit nananatiling bulnerable ang probinsya sa sakuna? At bakit tila hindi maalis-alis ang usapin ng katiwalian?

Dito na rin nagbabalik-tanaw ang mga taga-Bulacan sa nakaraang pinuno sa kanilang lalawigan. Hindi maikakaila na nakadikit sa pangalan ni dating gobernador at kongresista Wilhelmino “Willy” Sy-Alvarado ang mga paratang ng katiwalian.

2014 – Isang plunder case ang inihain laban sa kanya dahil umano sa maling paggamit at pagbubulsa ng pondo ng pamahalaan.

2015 – Siya at ilang opisyal ng probinsya ay naharap sa Ombudsman kaugnay ng umano’y iregular na pagbili ng P1.7 bilyong halaga ng gamot at materyales. Overpriced daw ang ilang items at hindi malinaw kung talagang naipamahagi ang lahat ng binili.

2017 – Iniuugnay siya sa PDAF scam, kung saan P3 milyon mula sa kanyang pork barrel ang napunta umano sa isang pribadong bangko imbes na sa ahensiya ng gobyerno.

Idagdag pa rito ang paglitaw ng kanyang pangalan sa narco-list ni dating pangulong Rodrigo Duterte—isang anino na lalong nagpalala sa pagdududa ng publiko.

Bagama’t itinanggi niya ang lahat ng paratang, hindi maalis ang katanungan: ang ganitong klase ba ng pamumuno ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, tila wala pa ring lunas sa baha sa Bulacan?

Sa panahon ng pamumuno ng mga Alvarado, paulit-ulit ang flood control projects na inuulan ng isyu—overpriced, delayed, duplicated, o hindi natatapos.

Sa halip na proteksiyon, tila naging daan pa ang mga proyektong ito para sa pagkakamal ng pondo at pagpapatibay ng political machinery ng mga nasa kapangyarihan. Hanggang ngayon, nananatiling sira-sira ang mga dike at madaling umapaw ang mga ilog sa Hagonoy, Calumpit, at Paombong—mga bayan na matagal nang binabaha kahit bilyon-bilyon na ang inilabas na pondo.

Hindi rin matatawaran ang kapit ng Alvarado political dynasty sa Bulacan. Halos lahat ng posisyon ay dinaanan na—mula kongreso, gobernador, hanggang vice governor. Ngunit habang tumitibay ang kanilang impluwensiya, lalong lumalalim ang sugat ng kawalan ng transparency, palpak na proyekto, at kawalang-katiyakan para sa ordinaryong mamamayan.

Ngayong taon-taon ay lumulubog pa rin sa baha ang Bulacan, iisa ang sigaw ng taumbayan:

Nasaan ang bilyon-bilyong pondo para sa flood control?

Bakit walang epekto ang mga proyekto?

Hanggang kailan magtitiis ang Bulakenyo sa maling pamamahala at katiwalian?

Ang mga sagot ay tila natabunan ng tubig-baha—nakabaon sa kasaysayan ng mga alegasyon, maling prayoridad, at pamumunong nagbigay-daan sa kapabayaan.

At sa tuwing lumulubog ang Bulacan, muling lumulutang ang tanong na dapat nating harapin: Nakalimutan na ba natin ang mga Alvarado?

86

Related posts

Leave a Comment