NO ELECTION SCENARIO MALABONG MANGYARI

RAPIDO ni PATRICK TULFO

LUMUTANG na naman ang scenario ng no-el o no election sa 2028 matapos na sabihin ito mismo ni VP Sara Duterte.

Ayon sa pangalawang pangulo na nahaharap ngayon sa impeachment, ang nasa likod daw nito ay walang iba kundi si PBBM at ang Kongreso upang mapalawig ang kanilang termino.

Ang pinakabagong scenario ng no-el ay pinalutang ni VP Sara kasunod ng bagong panawagan nito na bumaba na sa pwesto ang pangulo.

Pero posible ba ang no election scenario na mangyayari lamang kung babaguhin ang constitution sa panahong ito?

Ayon kay Atty. Michael Henry Yusingco, Senior Research Fellow sa Ateneo Policy Center of the Ateneo School of Government at isa ring Constitutionalist o isang eksperto sa Constitution, malabong mangyari ang pagpapalawig ng termino ng mga nakaupo sa gobyerno sa pamamagitan ng charter change.

Dahil kung matutuloy man ang pagbabago sa pamamagitan ng pag-amyenda ng ilang probisyon sa saligang batas ay magkakaroon pa rin ng plebisito o botohan upang malaman kung payag ang mamamayan dito.

Tinawag ni Atty. Yusingco na isang mababaw na banat kay PBBM, ang isyu ng no-el upang mapalawig ang termino ng pangulo.

Hindi rin magagamit ang “martial law” na ginamit ng nasirang ama ni PBBM na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos Sr., dahil sa dami ng safeguards na inilagay ng mga nagsulat ng 1987 constitution upang hindi na maulit ito.

Kung inyong matatandaan, kinakailangan pa ng pag-apruba ng Kongreso ang deklarasyon ng martial law ni Pangulong Digong sa buong Mindanao dahil sa Marawi siege noong May 23, 2017 kung saan nagtagal lang ito ng ilang buwan matapos na masiguro ng militar na wala nang banta sa katiwasayan ng bansa matapos na ma-neutralize ang Maute group na nasa likod ng pag-atake sa Marawi.

Hindi rin solido ang suporta ng mga mambabatas na nakaupo ngayon sa Kongreso, upang sundin ang pangulo kung may plano nga na palawigin ang termino nito pati na ang mga kaalyado.

Sa madaling salita, malabo ang no-el scenario kung pagbabasehan ang mga pwedeng gamitin na dahilan upang makamit ito.

65

Related posts

Leave a Comment