AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS
KUNG ako ang tatanungin, sang-ayon ako na ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka.
Tulad ng sinasabi ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, para matiyak na may murang bigas na mabibili ang mga Pilipino sa mga palengke.
Bukod sa murang bigas na mabibili sa mga pamilihan ay malaking tulong din ito sa lokal na mga magsasaka.
Ang nangyayari kasi ngayon, ang bumibili ng palay ng mga magsasaka ay traders lang na binabarat ng mga ito.
Binabarat ng traders ang pagbili ng palay ng mga magsasaka pero wala naman tayong mabiling murang bigas sa mga pamilihan.
Iisa lang ang ibig sabihin nyan, binibili nang mura ng traders ang palay ng ating mga magsasaka pero pagkatapos nilang maipagiling ang mga ito ay sa mataas na presyo na nila itong ibebenta.
Kaya sa halip na makatulong sila sa mga magsasaka ay ito pa ang nagiging dahilan na karamihan sa mga magsasakang Pinoy ay ibinebenta ang kanilang mga sakahan dahil lagi silang kinakapos.
Kaya karamihan sa kanila ay nagpapalit ng pagkakakitaan at tuluyan nang iniiwan ang kanilang pagsasaka.
Ayon kay Cong. Tulfo, “Wala kasing kakumpitensya ang mga rice trader sa pagbili ng mga palay sa mga farmer kaya binabarat nila ang presyo.”
Kontrolado aniya ng mga ito ang presyo sa farmgate na nagreresulta sa halos ginto na presyo ‘pag pinasa na nila sa merkado.
“Ngayon kung nariyan ang NFA, e di may murang bigas lagi sa merkado,” ani Tulfo.
Idinagdag ng mambabatas, napapanahon na para rebisahin ng Kongreso ang Rice Tariffication Law dahil ito ang nag-alis sa NFA ng awtoridad na makapagbenta ng murang bigas.
Sa ngayon kasi tanging pag-iimbak na lang ng bigas para sa buffer stock ng bansa, ang trabaho ng NFA.
“Few years ago lang, bawat palengke may mga pwesto na may tinda ng NFA rice. May napagpipilian ang tao na murang bigas,” dagdag ni Tulfo.
“Ngayon kasi ang traders at retailers ang nagpepresyo ng bigas. Walang kakumpitensya na NFA kaya sobrang mahal ng presyo ng bigas sa merkado ngayon,” paliwanag pa ng mambabatas.
oOo
Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.
