Pinaiimbestigahan ng LGU MGA RESIDENTE BINAHA SA PAGPUTOK NG TUBO MAYNILAD SA BACOOR

IPINAG-UTOS ni Mayor Strike B. Revilla sa City Engineering Office, sa pangunguna ni City Engineer San Jose, ang pagsasagawa ng isang malayang imbestigasyon matapos ang pagputok ng tubo sa Southvale at St. Jude Subdivisions sa Molino, Bacoor, na nagdulot ng pagbaha at nakaapekto sa mga residente.

Layunin ng imbestigasyon na alamin ang mga pangyayari at dahilan sa likod ng pagputok ng tubo, matukoy ang lawak ng pinsalang dulot ng pagbaha, at malaman kung may mga pagkukulang o paglabag na maaaring naging sanhi o nakapag-ambag sa insidente.

Magpupulong ang Pamahalaang Lungsod, mga opisyal ng Maynilad at pangulo ng Homeowners Association (HOA) at tatalakayin

ang lawak ng pinsala at ang posibleng pananagutan ng Maynilad, batay sa magiging resulta ng malayang imbestigasyon.

Tiniyak ng Lungsod na kung mapatutunayan sa imbestigasyon na ang insidente ay resulta ng kapabayaan ng Maynilad, magsasagawa ang Lungsod ng nararapat na aksyon alinsunod sa batas at mga umiiral na regulasyon, kabilang ang posibilidad ng pagbawi sa permit nito.

Maaari ring hilingin sa Maynilad na panagutan ang mga pinsalang idinulot ng insidente, alinsunod sa itinakdang proseso at mga naaangkop na batas at regulasyon.

Nanawagan din ang Lungsod sa lahat ng kinauukulang panig na makipagtulungan nang lubos sa isinasagawang imbestigasyon at sa agarang pagpupulong upang mabilis at patas na matukoy ang lawak ng insidente, ang mga pinsala, at kung sino ang dapat managot.

(SIGFRED ADSUARA)

80

Related posts

Leave a Comment