Isang parcel, isang piso. Para kumita ng ₱500, kailangan mong magbalot ng 500 parcels.
Ito ang naging tanong ko nang makita ko ang usapin tungkol sa ₱1 bawat parcel na trabahong iniaalok ng social media influencer na si Rosmar Tan. Sa unang alok, simple ang sistema. Mas maraming parcel na matatapos, mas maraming kikitain. Ayon sa mga ulat, sinabi ni Rosmar na maaaring kumita ng ₱2,000 ang isang tao kung makakapagbalot siya ng 2,000 parcels, habang ₱10,000 naman kung makakaabot ng 10,000 parcels.
Pero teka lang.
Sampung libong parcel?
Hindi ko maiwasang itanong, paano nga ba iyon matatapos ng isang tao?
Ipinakita rin ni Rosmar na kaya niyang magbalot ng apat na parcel sa loob ng isang minuto. Kahanga-hanga ang bilis, pero hindi naman lahat ng manggagawa ay kayang gawin iyon. Ayon din sa isang ulat, sinabi niyang tinatayang 1,920 parcels ang kaya niyang matapos sa loob ng walong oras kapag hindi kasama ang oras sa pagputol ng bubble wrap.
At doon ako lalo napaisip. Maganda ang mabilis na trabaho, pero tao ang mga manggagawa, hindi makina. May oras para kumain, uminom, pumunta sa banyo at
magpahinga kapag napagod na ang katawan.
Dahil ang pagbabalot ng parcel ay hindi naman basta paglalagay ng produkto sa kahon.
Kailangan itong ayusin, balutin, isara at ihanda para sa delivery. Pagkatapos, susunod na naman. At susunod pa. Kung daan-daan o libo ang kailangang tapusin, hindi lang parcels ang nadadagdagan. Pati pagod.
Dito ako hindi sang-ayon sa simpleng sagot na, “Kung ayaw mo, huwag mong tanggapin.”
Madaling sabihin iyon kapag hindi ikaw ang naghahanap ng pagkakakitaan. Para sa isang taong kailangang kumita, hindi naman laging maraming pagpipilian. Kapag kailangan mo ng pera, kahit maliit na oportunidad ay maaari mong tanggapin dahil mas mabuti na iyon kaysa wala.
Kaya para sa akin, hindi lang dapat ang tanong ay, “Magkano ang pwedeng kitain?”
Mas mahalagang itanong, “Ilang oras at ilang parcel ang kailangang gawin para kumita nang ganoon?”
May legal na usapin din dito na hindi dapat isantabi. Ayon sa Labor Code, ang mga manggagawang binabayaran batay sa dami ng kanilang natatapos na trabaho, kabilang ang piecework, ay dapat tumanggap ng hindi bababa sa itinakdang minimum wage para sa walong oras na trabaho, o katumbas na halaga kung mas maikli ang oras ng trabaho.
Nakasaad din na ang mga rate para sa ganitong trabaho ay dapat patas at makatuwiran.
Matapos ang mga batikos, sinabi ni Rosmar na inayos na ang sistema. Mananatili ang ₱1 bawat parcel bilang batayang bayad, pero sinabi niyang lahat ng sasali ay makatatanggap ng minimum rate. Kung mas malaki naman ang kikitain batay sa dami ng parcels, makukuha pa rin ng worker ang dagdag na halaga.
Mahalaga ang paglilinaw na ito. Hindi sapat na makita lamang ang malaking halagang maaaring kitain. Dapat malinaw rin kung paano ito kinukwenta at kung patas ba ito sa mga taong gumagawa ng trabaho.
Wala naman akong problema sa pagbibigay ng trabaho. Sa totoo lang, magandang bagay ang pagkakaroon ng mas maraming oportunidad para kumita. Pero sana, hindi lang ang malaking halagang maaaring makuha ang ipinapakita. Dapat makita rin ang dami ng trabaho, oras at pagod na kailangan para makuha iyon.
Dahil sa likod ng bawat parcel ay isang tao.
Napapagod. Kailangang magpahinga. May sariling oras at limitasyon.
Isang piso man ang halaga ng bawat parcel, hindi kailanman dapat maging isang piso lang ang tingin sa taong nagbalot nito.
72 