TAMBULI ni JESSE RUIZ
MUKHANG mapapalaban nang husto si Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na ipagtanggol ang kanyang mga tauhan sa isyu ng recycling ng mga nasamsam na illegal tobacco products laban sa mga tauhan naman ng Philippine National Police-Highway Patrol Group.
Dahil, mga bossing, nakahanda rin ang mga tauhan ng PNP-HPG na labanan sa korte ang mga tauhan ng Aduana at katunayan may mga nagbulong na naghain na ng reklamo ang mga pulis laban sa dalawang tauhan ng Customs (BOC).
Kaugnay ito, mga boss, ng kontrobersyal na operasyon sa isang warehouse sa Bulacan noong Agosto 19 na inulat na nauwi sa komprontasyon at tutukan.
Naghain daw ng pitong pahinang reklamo kamakailan si HPG Police Corporal Melvin Habbiling na humihiling na isama sa preliminary investigation sina BOC Special Agent Lucky at Technical Support Staff “Alex” A.
Batay sa sworn affidavit ni Jesus Froilan Acebes Carpiso, na tinukoy na umano’y middleman sa transaksyon, naroon ang dalawang BOC personnel sa warehouse nang isagawa ng Regional Highway Patrol Unit-National Capital Region (RHPU-NCR) ang operasyon.
Sinabi ni Carpiso, sina Lucky at Alex umano ang tumanggap ng bayad kapalit ng 225 kahon ng hinihinalang smuggled Red Carnival cigarettes.
Hiniling din sa reklamo na isama sa imbestigasyon ang isang Jocelyn Miano at maglabas ng mga kaukulang subpoena habang tinutukoy ng prosekusyon kung may probable cause laban sa mga respondent.
Pero wala pang pinal na findings ang prosekusyon hinggil sa mga alegasyon laban sa mga nabanggit na indibidwal.
“Kumpleto ang mga dokumentong nagpapatunay na lehitimo ang kanilang operasyon,” saad ng isang source na may sapat na kaalaman sa nasabing HPG-NCR raid.
Tindig naman ng pinuno ng Aduana, siya mismo ang magsasampa ng reklamo laban sa mga pulis na nakialam sa kanyang direktiba na pagsira sa mga nahuling smuggled cigarettes dahilan para pansamantalang sibakin sa pwesto ang 13 tauhan ng PNP-HPG.
Yabang pa ni Nepomuceno, mga bossing, agad niyang sisibakin sa serbisyo ang kanyang mga tauhan oras na napatunayang sangkot ang mga ito sa katiwalian.
Para sa mga blanko sa isyu, nag-ugat ito, mga boss, sa operasyon ng HPG noong Agosto 19 nang magkaroon ng komprontasyon ang mga operatiba nito at mga tauhan ng Customs sa isang warehouse sa Bulacan.
Ayon sa naunang pahayag ng PNP-HPG, 13 tauhan nito, kabilang ang pinuno ng HPG-NCR, ang administratibong ni-relieve epektibo noong Agosto 20 upang bigyang-daan ang patas na imbestigasyon sa insidente.
Nauna namang sinabi ng BOC na nagsasagawa noon ang kanilang mga tauhan ng lehitimong cigarette incineration operation nang makialam ang mga pulis at tinawag nitong “unacceptable” ang naging komprontasyon.
Sa inisyal na ulat, nagkaroon umano ng operational confusion at ibang lokasyon ang orihinal na target ng HPG operation.
Kaya ngayon ay binabantayan kung ano ang magsisilbing wakas ng nilikhang kontrobersya sa nangyaring lehitimong police operation daw sabi ng PNP-HPG, at legitimate smuggled cigarettes destruction ang sabi naman ng BOC, ngayong naghain din ng kaso ang mga pulis laban sa mga tauhan ni Comm. Nepo.
Sa social media post ni veteran broadcaster Ramon Tulfo, sinabi niyang hinaras at dinisarmahan ang mga ahente ng BOC nang kinukumpiska ng HPG-NCR ang mga puslit na sigarilyo mula sa isang warehouse sa Bulacan.
Ngunit taliwas ito sa spot report na inilabas ng HPG-NCR kaya hindi maiwasang mag-isip ang mga ‘marites’ na kung totoo ang alegasyon ng mga pulis ay posibleng may BOC cover-up sa nangyayari.
Hindi rin natin masisisi ang mga may malikot na kaisipan dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na may mangilan-ngilan sa ahensya na pinaghihinalaang sangkot sa pagbebenta ng ilegal na sigarilyo.
Ang ni-raid ng HPG-NCR na warehouse ay katabi lamang ng isang pasilidad na nagsisilbing condemnation site ng BOC para sa mga nasabat at nakumpiskang kontrabando.
Sa panig ng HPG-NCR, pinangangatawanan nilang lehitimo ang kanilang trabaho katunayan ay may mga kasama pa umano silang kinatawan ng DTI. Ngunit nagkaroon ng kalituhan anila sa itinuro sa kanilang lugar.
“Hintayin natin ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang totoong nangyayari,” dagdag pa niya.
Maalala ko lang, hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang BOC sa kontrobersya o kaya sa mga alegasyon ng ilegal na gawain ng mga kawani nito.
68 