MAGANDA ang resulta sa ngayon nang paghihigpit ng Philippine National Police(PNP) sa ilegal na droga at sugal
dahil makikitang nagtratrabaho ang mga pulis upang makaaresto ng mga lumalabag sa batas.
Okay ang performance ng mga tauhan ng Quezon City Police District na pinangungunahan ni P/BGen. Ronnie Montejo sapagkat halos lahat ng labingdalawang (12) stations ay kumikilos upang manghuli ng mga pasaway na tulak at adik.
Okay na okay na maging ang ilegal na sugal ay hindi pinalalampas ng QCPD kung kaya’t ang mga financier at operator ay halos hindi makalutang sa mga lugar kung saan sila nago-operate dahil takot ang mga ito na salakayin at perwisyuhin ang kanilang pinagkakakitaan.
Pinaka Okey ay maging ang night club, massage at spa kapag may ilegal tulad ng ‘extra service’ ay hindi pinaliligtas ng mga pulis na todo-bantay sa mga ilegal dahil sa takot na masibak sila sa kanilang kinalalagyan kapag nalusutan.
Ibig sabihin, mahusay ang pamamalakad ni PNP chief Gen Archie Gamboa kung kaya’t sinusunod ito ng kanyang mga tauhan at takot ang mga ito na sumuway kung kaya’t maging ang mga video karera na maituturing na small time ay kanilang binibira.
Okray naman kapag hindi nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang PNP sa pangunguna ni PNP chief kaugnay sa pagkakasangkot ni P/Lt Col. Jovie Espenido sa droga. Kailangang tingnang mabuti ng PNP kung talagang sangkot sa ilegal na droga ang pulis na naging modelo sa kampanya sa droga o baka nga namang may mga politikong nasagasaan na nakapagbulong sa kampo ni Gamboa kung kaya’t nasangkot ang pulis na ilang beses ring nakatanggap ng papuri kay Pangulong Rodrigo Duterte.
348 