PNP, PINURI NG ADUANA SA NASABAT NA P960-M SMUGGLED CIGARETTES

PINURI ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang Philippine National Police (PNP) matapos masabat ang 15 container trucks na naglalaman ng tinatayang P960 milyong halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Bataan at Pampanga.

Ayon kay Commissioner Nepomuceno, naging mahalaga ang pagiging mapagmatyag at mabilis na pagkilos ng PNP at iba pang police units na sangkot sa intelligence operations upang mapigilan ang pagbiyahe ng kontrabando patungo sa target nitong destinasyon.

“Malaking bagay ang kontribusyon ng ating kapulisan sa ating kampanya laban sa smuggling. Habang binabantayan ng BOC ang ating mga pantalan at hangganan laban sa pagpasok ng mga kontrabando, mahalaga ang papel ng PNP sa pagbabantay sa ating mga komunidad at mga pribadong pantalan upang mapigilan ang paggalaw at distribusyon ng mga iligal na produkto,” ani Nepomuceno.

“Nagpapasalamat tayo sa PNP na patuloy na tumutulong sa pagsugpo sa smuggling sa iba’t ibang panig ng bansa. Patuloy nating kinikilala ang mahalagang papel ng ating kapulisan sa pagprotekta sa publiko at pagpapanatili ng kaayusan sa lehitimong kalakalan,” dagdag niya.

Kaugnay ito ng pagharang sa 15 trailer trucks na may dalang tinatayang ₱960 milyong halaga ng hinihinalang smuggled at ilegal na sigarilyo, kabilang ang follow-up operation ng Police Regional Office 3 (PRO 3) sa Pampanga nitong Miyerkules, Setyembre 9.

Nagsimula ang operasyon sa naunang pagharang sa isang sasakyan sa Mabalacat City na may kargang 759 malalaking kahon ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes.

Sa karagdagang imbestigasyon, natukoy na nagmula ang kargamento sa isang pribadong daungan sa Mariveles, Bataan, dahilan upang magsagawa ng surveillance ang mga operatiba ng Regional Special Operations Group–Regional Intelligence Division 3 (RSOG-RID3).

Minanmanan ng mga operatiba ang mga truck habang palabas ng daungan bago tuluyang naharang ng mga operating unit sa Abucay, Limay at Orion sa Bataan, at Lubao sa Pampanga.

Bultu-bultong hinihinalang smuggled at ilegal na sigarilyo ang natagpuan sa mga truck na tinatayang nagkakahalaga ng ₱960 milyon. Isasailalim pa sa beripikasyon ng BOC ang aktuwal na halaga at laman ng mga nasabat na kargamento.

(JESSE RUIZ)

77

Related posts

Leave a Comment