(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
HINAMON ni Atty. Harry Roque si Senator Imee Marcos na aminin sa publiko na gumagamit ng ilegal na droga ang kapatid na si Pres. Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang Facebook live, naglitanya si Roque at binanggit pa ang naging panayam umano noon sa The Rolling Stones member na si Keith Richards na nagsabing sinuplayan sila ni Marcos Jr. ng kilo-kilong cocaine.
Sa social media platform na reddit, pinag-usapan na ng mga netizen ang sinasabing pahayag ni Richards na inilabas umano ng isang magazine.
Gayunman, wala umanong makitang kopya ng sinasabing magazine na nagsasaad na binanggit ni Richards ang naturang akusasyon.
Sa pahayag ni Roque, sinabi nito na dapat patunayan ni Imee ang katapatan nito ngayong inendorso siya ni Vice President Sara Duterte at ilahad ang katotohanan.
Hindi umano siya naniniwala na walang alam ang senadora sa paggamit na droga ng kapatid.
Buwelta ng Malakanyang
Agad namang niresbakan ng Palasyo ang mga pahayag ni Roque.
Go Home! Ang tinuran ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang sagot sa mga bagong pasabog ni Roque.
“Siya po ang sinasabing nagpakalat ng isang fake full horum video, at ngayong wala pa siyang napapatunayan at wala siyang ebidensiya, kahit na nga iyong kanyang ebidensya sa Quadcom ay hindi pa rin niya napapatunayan, ngayon ay maghahanap pa siya ng tulong para makapagbigay ng ebidensya. Sila po ang nagsasabi ng ganitong mga klaseng akusasyon, hindi na niya kakailanganin ng tulong kung mayroon po siyang ebidensiya,” ang pahayag ni Castro.
Sa kabilang dako, nilinaw ni Castro na wala siyang sinasabi na ang nagpakalat ng fake polvoron video ay si Roque bagaman mismong si Roque aniya ang nagsabi hinggil sa polvoron video sa isang Maisug Rally sa Vancouver.
Samantala, wala pang plano ang Marcos administration na humingi ng tulong sa Interpol para maaresto sina Attorney Harry Roque at Maharlika na nagpapakalat ng polvoron video.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
