ISABELA – Dalawa ang patay habang sugatan ang pitong iba pa na pawang kabilang sa isinagawang operation linis sa Brgy. Ballacayu, San Pablo City sa lalawigang ito makaraang araruhin ng isang SUV, nitong Martes ng umaga.
Hindi umabot nang buhay sa Milagros District Hospital ang dalawang biktimang sina Ambrocio Lagundi y Cabaddu, 47, at Rodrigo Pacion y Gamal, nasa hustong gulang, kapwa barangay tanod.
Habang sugatan naman sa insidente bandang alas-9:50 ng umaga. sina Anthony Soriano, 34; Francisco Allata; Redentor Telan; Aaron Soriano, 17; Philip Macapagal, 25, SK chairman; Jose Villaverde, 66, at Manuel Dayag, 57, pawang mga residente ng Brgy. Ballacayu sa nabanggit na lungsod.
Sa report ng San Pablo Police Station, binabagtas ng puting SUV Montero (AVR-1979) na minamaneho ng suspek na si Marcial Que Jr. y Alberto, 29, doctor, residente ng Brgy. District 2, Tumauini sa nasabing lalawigan, ang kahabaan ng national highway patungo sa direksyon ng timog nang mag-overtake siya sa isang motorsiklo sa Ballacayu Bridge ngunit hindi napansin ang kasalubong na sasakyan sa kabilang linya.
Tinangkang iwasan ng suspek ang kasalubong na sasakyan ngunit nawalan ito ng kontrol sa manibela hanggang sa araruhin ang siyam na mga biktima na noon ay nagsasagawa ng Barangay Operation Linis sa gilid ng kalsada, at mga nakaparadang motorsiklo.
Pagkaraan ng insidente ay agad nalagutan ng hininga ang dalawang biktima habang sugatan ang pitong iba pa.
Sugatan din sa nasabing insidente ang suspek na isinugod din sa pagamutan.
Patuloy na iniimbestigahan ng San Pablo MPS ang insidente. (NICK ECHEVARRIA)
159