PATAY ang isang rider nang salpukin ng rumaragasang tractor head ang minamaneho niyang motorsiklo noong Huwebes ng tanghali sa Caloocan City.
Hindi umabot nang buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Gerard Directo, 49, ng Tuazon St., San Andres, Manila sanhi ng matinding pinsala sa ulo at katawan habang nadakip naman ng pulisya ang driver ng tractor head na si Wilson Nunez, 31, ng Pinagbarilan, Baliuag, Bulacan, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Ayon sa tinanggap na ulat ni Caloocan City Police chief, P/Col. Samuel Mina, tinatahak ng biktima ang kahabaan ng C-3 Road patungo sa gawi ng Rizal Avenue Ext. dakong alas-12:30 ng tanghali nang biglang salpukin ng rumaragasang tractor head (NAF-8240) ang likurang bahagi ng kanyang motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon ang biktima at bumagsak sa sementadong lansangan na nagdulot ng matinding pinsala sa kanyang ulo at katawan. (FRANCIS SORIANO)
