PUNA ni JOEL O. AMONGO
HINDI na nakapagtataka kung bakit bumagsak sa survey si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa pinakahuling lumabas na Pulse Asia Research para sa kanilang Marso 2025 Ulat ng Bayan survey.
Lumalabas na 17% puntos ang approval rating ni Pangulong Marcos mula sa dating 42% noong Pebrero sa 25% nitong Marso.
Ang kanyang disapproval rating ay umakyat naman ng 21 puntos o 53%.
Karamihan ng mga Pilipino o 54% ay nagpahayag din ng kanilang kawalan ng tiwala sa Pangulo (Marcos), tumaas mula sa dating 32%. Bumagsak din ang kanyang trust rating na 42% noong Pebrero, at naging 25% nitong Marso.
Tanging si VP Sara ang mataas na opisyal ng pamahalaan na nakakuha ng maayos na performance ratings, ang kanyang approval rating ay tumaas ng 59% mula sa 52%; at ang disapproval rating naman nito ay bumaba sa 16% mula sa 26%.
Tumaas din ang trust score ni VP Sara ng 8% puntos, mula 53% noong pebrero ay naging 61% nitong Marso.
Ang survey ay isinagawa mula Marso 23 hanggang 29, 2025, may 2,400 adult Filipino ang kinapanayam sa pamamagitan ng multistage probability sampling.
Ang survey ay isinagawa sa panahon na inaresto si Pangulong Duterte at dinala sa The Hague, Netherlands kung saan matatagpuan ang International Criminal Court (ICC).
Kaya hindi na tayo magtataka kung bakit lumagpak ang survey ni PBBM, nagpapatunay lamang marami pa rin ang nagtitiwala sa dating Pangulong Duterte.
Matatandaang noong nakaraang Marso 28, 2025, sa ika-80-anyos na kaarawan ni dating Pangulong Duterte ay milyon-milyong mga Pilipino ang nagsagawa ng protesta bilang pagsuporta sa kanya.
Bukod sa pagbati sa kaarawan ni Duterte ay kinondena rin ng mga Pilipino ang ginawang pag-aresto ng mga awtoridad sa dating pangulo dahil pinagkaitan ito ng due process.
Kaya hindi nakapagtataka na tumaas sa survey si VP Sara at sumadsad naman si PBBM at posible pa itong magpatuloy dahil sa walang humpay na korupsyon sa kasalukuyang administrasyon.
Marami na ang naka-PUNA sa matinding korupsyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
oOo
Para sa reklamo at reaksyon, mag-email operarioj45@gmail. com o mag-text sa cell# 0962-394-3098.
