NABABAHALA ang Commission on Elections (Comelec) sa kalagayan ng halalan sa Bangsamoro region dahil hindi pa naipapasa ang redistricting law na kailangan para sa kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM.
Batay sa desisyon ng Korte Suprema noong Oktubre 13, dapat maisaayos ang parliamentary districts bago ang Oktubre 30, ngunit binigyan ng hanggang Nobyembre 30 ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) para maisumite ang batas.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, bawal na ang anumang pagbabago sa rehistro 120 araw bago ang halalan at nakadepende ang komisyon sa batas na ipapasa ng BTA.
Maaari aniya itong makaapekto sa iskedyul at iba pang proseso, kabilang ang accreditation ng mga partido at iba pang requirements para sa parliamentary setup.
Pinag-aaralan din ng Comelec ang posibilidad ng manual elections, bagay na mangangailangan ng mas maraming presinto at mas malaking pondo kumpara sa automated elections.
Tiniyak ni Garcia na itutuloy ang halalan sa Marso 2026, ngunit nakaangkla ito sa magiging desisyon at kalidad ng batas na ipapasa sa rehiyon.
(JOCELYN DOMENDEN)
79
