Sa importasyon ng covid vaccines SUPER GREEN LANE HIRIT SA BOC

INATASAN ng mababang kapulungan ng Kongreso ang Bureau of Customs (BOC) na bigyan ng special lane o “super green lane” ang importasyon ng COVID-19 vaccines upang mabilis itong makalabas dahil napakahalaga nito ngayon sa taumbayan at maging sa ekonomiya ng bansa.

Ginawa ni House ways and means chairman Joey Salceda ang nasabing kautusan para mabigyan ng top priority ang clearance processing ng mga aangkating bakuna kasama na ang iba pang medial supply na kailangan sa immunization tulad ng heringgilya.

“We need all the vaccines we can get, and if the private sector can boost our supplies, we should make it easier for them to do so,” ayon sa mambabatas na may oversight function sa BOC.

Ang super green lane ang pinakamabilis na proseso sa pagbibigay ng clearance sa mga inaangkat na produkto mula sa ibang bansa kaya dapat umanong idaan dito ang mga bakuna laban sa COVID-19 na bibilhin o aangkatin, hindi lamang ng gobyerno kundi ng mga pribadong sektor.

Maraming Local Government Units (LGUs) at mga pribadong grupo ang nagbabalak na umangkat ng sariling COVID-19 vaccines upang mas maraming Pilipino ang mabakunahan kaya hindi umano dapat pahirapan ang mga ito.

“These vaccines cannot stay for long in our ports. That amplifies the risk that they will be damaged, as the COVID-19 vaccine is particularly sensitive to changes in temperature,” paliwanag ng mambabatas.

Nagawa na aniya ito ng BOC sa mga inangkat na Personal Protective Equipments (PPEs) kaya walang dahilan para hindi ito gawin sa mga aangkating bakuna laban sa COVID-19 dahil nakasalalay rito ang pagbangon ng ekonomiya at kaligtasan ng mamamayang Pilipino. (BERNARD TAGUINOD)

113

Related posts

Leave a Comment