SA pakikipagtulungan ng Philippine Statistics Authority (PSA), maayos na nagsimula ang “pre-registration” sa sistema ng pambansang identification card ng mga Filipino, pagtitiyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa tagapagsalita ng DILG na si Undersecretary Jonathan Malaya, “maayos” na naisagawa ang pre-registration, o ang step 1, sa “32 prayoridad na mga probinsiya at 119 local governments units (LGUs).”
Ani Malaya, ang mga nabanggit na bilang ng mga pamahalaang panlalawigan at LGUs ay “pumirma ng memorandum of agreement (MOA), kasama ang Philippine Statistics Authority (PSA), para sa maayos na roll-out ng” pambansang I.D.
Ang sistemang ito kung saan isang I.D. ang gagamitin ng mga Fillipino sa pakikipagtransaksyon sa pamahalaan, bangko at iba pa ay nakabatay sa Republic Act 11055 na naging batas noong Agosto, 2018.
Binanggit din sa R.A. 11055 na palitan ang 46 iba’t ibang I.D. ng pamahalaan upang isang I.D. na lamang ang gamitin.
Nagsimulang kumilos ang DILG makaraang opisyal na ianunsiyo ng National Economic Development Authority (NEDA) at PSA na mayroon nang nanalo sa bidding ng kumpanyang gagawa ng I.D.
Batay sa rekord, ang nanalo ay ang Madras – Mega Data Corporation.
Ang Madras – Mega Data ay pinagsamang Madras Security Printers at Mega Data Corporation.
Pag-aari ng mga negosyanteng Indian ang Madras, samantalang mga Filipino naman ang may-ari ng Mega – Data.
Ngunit, gustong malaman ni Senadora Imee Marcos mula sa pamunuan ng NEDA at PSA kung bakit solong lumahok sa bidding ang Madras – Mega Data.
Nagduda si Marcos sa pagkapanalo ng Madras – Mega Data dahil itong kumpanya lamang ang natirang partisipante sa bidding matapos biglaang baguhin ang mga alituntunin ng subasta.
Ang isa pang kuwestyonableng isyu para kay Marcos ay ang naiulat na kapalpakan umano sa ibang bansa ng Madras.
Ibinunyag ni Marcos noong Oktubre 9 na naging balita sa Bangladesh na hindi natapos ng Madras ang 500,000 cards dahilan upang walang magamit na I.D. cards ang Bangladesh Road Transport Authority sa proyekto nitong lisensya sa pagmamaneho.
Inilantad din ni Marcos ang natanggap na stamps ng pamahalaan ng Kenya mula sa Madras ay mahina ang kalidad.
Dahil mahina ang kalidad ng ginawa ng Madras para sa Kenya Bureau of Standards, lumaki ang suliranin nito sa ismagling.
Sa dalawang pangyayaring ito nakatuntong ang batikos ni Marcos sa ginawang pagpabor ng NEDA at PSA sa Madras – Mega Data.
Kapag tuluyang maipasa ang General Appropriations Act para sa 2021, P4.1 bilyon ang ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) bilang pondo para sa pambansang I.D. na gawa ng Madras – Mega Data. (NELSON S. BADILLA)
212 