KAMPANTE ang administrasyong Duterte na hindi magkakaroon ng problema ang mga ahensiya ng pamahalaan kung pera ang pag-uusapan sa loob ng isang taon dahil P46.10 bilyon ang ipinautang ng pamahalaan ng Japan sa Department of Finance (DOF).
Natuwa si Secretary Carlos Dominguez III nang ibigay ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang P23.5 bilyon, o 50 bilyon yen, sa DOF.
Ang P23.5 bilyon ay ang ikalawang bugso ng “post-disaster standby loan” ng pamahalaan.
Ang P23.5 bilyong utang, ayon kay Dominguez, ay magiging “available for quick disbursement in the event of national emergency, such as the COVID-19 (coronavirus disease-2019) pandemic.”
“The declaration of a state of calamity, public health emergency, or the imposition of enhanced community quarantine will activate the package,” paliwanag ng kalihim.
Apat na araw matapos nito, inanunsiyo ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang pagpapalawig sa State of Calamity sa bansa mula Setyembre 13, 2020 hanggang sa Setyembre 12, 2021.
Banggit ni Duterte sa Proclamation 1021, “This extension will, among others, effectively afford the National Government, as well as local government units, ample latitude to continue utilizing appropriate funds, including the quick response fund, in their disaster preparedness and response efforts to contain the spread of COVID-19.”
Inaasahang marami pang mabibiktima ng COVID-19 dahil napakaraming mga Filipino ang mahirap pasunurin sa pagsusuot ng face mask at face shield at pagpapatupad ng isang metrong physical distancing kahit pawang mga krimen na ito sa bansa.
Bukod sa P23.5 bilyon, pinautang na rin ng Japan ang pamahalaan ng P23.5 biyon noong Hulyo ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Carlos noong Hulyo, ang P23.5 bilyon ay bahagi ng “COVID-19 Crisis Response Emergency Support Loan” ng administrasyong Duterte.
Kaya nakautang na ng P45.10 bilyon ang administrayong Duterte sa loob lamang ng dalawang buwan.
Babayaran ng pamahalaan ang utang sa loob ng 43 taong “maturity period” na mayroong 0.01 porsiyento ang tubo kada taon.
Hindi pa kasama rito ang bilyon-bilyong inutang sa ibang institusyon tulad ng Asian Development Bank (ADB) ngayong taon. (NELSON S. BADILLA)
227 