(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MALAKING dagok sa ekonomiya ang pabago-bagong pasya ng pamahalaan, partikular sa pagpapatupad ng mahigpit na lockdown sa mga rehiyong sentro ng negosyo.
Sa isang pahayag, pinatutsadahan ni Manila City Bureau of Permits chief Levi Facundo ang aniya’y malaking perang nawawala sa kawalang direksyon sa pagtugon ng pamahalaan sa patuloy na banta ng pandemya.
Higit aniyang nakababahala ang napipintong pagsasara ng mga negosyo bunsod ng paglobo ng kanilang pagkakautang sanhi na rin ng pagkalugi sa bawat araw na hindi sila nakakapag-operate ng kanilang negosyo.
Una nang sinabi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagluluwag sa mga government restrictions – partikular sa negosyo – sa Metro Manila noong Setyembre 4. Ayon sa IATF, isasailalim ang 16 na lungsod at ang munisipalidad ng Pateros sa general community quarantine (GCQ) na may kalakip na granular lockdowns sa mga piling bahagi ng mga lokalidad sa kabila pa ng mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa nasabing rehiyon.
Makaraan ang tatlong araw, agad namang binawi ito ng Malakanyang na siyang lubos na ikinapanlumo ng mga negosyanteng sukdulang gumastos sa paghahanda sa araw na inakala nilang makakapagbalik-operasyon na ang kanilang mga negosyo.
Ayon kay Inchang Mendoza, na nagmamay-ari ng isang samgyupsal restaurant sa lungsod ng Maynila, handang-handa na sana silang magbalik-operasyon nang biglang binawi ng pamahalaan ang una nitong anunsyo.
Aniya, pinulong na niya ang kanyang mga empleyado, nilinis na din nila ang kanilang pwesto at nakabili na ng daan-daang kilo ng manok, baboy, baka, gulay at iba pang rekadong kanila sanang ihahain sa customers.
Bunsod ng pagbawi ng anunsyo, hindi na nila tuloy mapapakinabangan ang kanilang biniling suplay para sa negosyo dahil hindi rin naman sila pinapayagang makapag-operate sa ilalim ng mga panuntunan ng idineklarang MECQ sa lungsod.
Lubos din aniya ang kanyang pag-aalala sa kanyang 27 empleyado na arawan lamang ang kita sa kanyang maliit na negosyo.
Dagdag pa ni Mendoza, silang maliliit na negosyante ang lubos na apektado sa polisiyang urong-sulong ng gobyerno.
“Dear goverment, maawa naman kayo sa mga taong sobrang naapektuhan na nagtatrabaho ng maayos! Hindi kayang sumurvive ng small business owner sa ganyang eksena ng gobyerno!!! Bigyan niyo kami ng maayos na plano!!” ani Mendoza sa kanyang Facebook post.
Ayon naman kay Facundo, maging sila’y nagulat sa pagbawi ng Palasyo sa una nitong anunsyo.
“I just hate the fact that a lot [of] time was wasted. The most expensive investment we put in is time. We cannot bring it back anymore!” ani Facundo sa isang pahayag na inilabas ng Manila Public Information Office sa kanilang official Facebook page.
Panawagan ni Facundo sa Palasyo — “Think thrice before making any announcements so it does not lead to confusion and wasted time and effort. Examine before proposing. See if the plan is bullet proof. Plan ahead… It’s not like all these happened only last night. It’s been 16 months!”
Sa pinakahuling tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), lumalabas na mas mababa ang bilang ng mga walang hanapbuhay sa mga rehiyong nasa ilalim ng mga maluwag na community quarantine.
Sa datos ng nasabing tanggapan ng pamahalaan, mayroon na lamang 3-milyong Pilipino ang walang hanapbuhay sa mga buwang nasa ilalim ng GCQ at GCQ with heightened restrictions at Modified GCQ. Gayunpaman, inaasahan ang muling pagdami ng bilang ng mga walang trabaho bunsod na din ng biglang pagpapasya ng Palasyo na ituloy na lamang ang MECQ sa Metro Manila.
Maging ang Palasyo, aminadong malaking bentahe sa pagbangon ng kabuhayan ang pagluluwag sa mga pinaiiral na community quarantines.
“This happened when quarantine restrictions were removed,” ani Presidential spokesperson Harry Roque kaugnay ng naunang anunsyong pagsasailalim sa Metro Manila sa GCQ.
“This change in strategy to localize [lockdowns] is part of our strategy to keep the economy open to minimize the number of people who are hungry,” dugtong pa nito.
Mananatili ang Metro Manila sa ilalim ng MECQ hanggang sa araw na handa na ang mga panuntunan sa ipatutupad na granular lockdown protocols.
Sa ilalim ng granular lockdown, mga piling lugar lang sa mga lungsod ang isasara.
165 