Sa shooting incident sa Puerto Princesa 4 PULIS IPINAAARESTO SA ILEGAL NA PAGRESPONDE

IPINAG-UTOS ni PNP chief, Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang pag-aresto at pagpapakulong sa apat na pulis na tinukoy na nagresponde sa pamamaril sa Puerto Princesa sa Palawan.

Ito ang inihayag ng hepe ng Pambansang Pulisya sa isinagawang flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga sa Camp Crame.

Inatasan ni Nartatez ang Regional Director ng Police Regional Office Mimaropa na arestuhin at ipakulong ang apat na pulis na nagresponde sa pamamaril noong Biyernes Santo sa Barangay Irawan, Puerto Princesa City, Palawan na ikinasawi ng tatlo katao.

Kabilang sa mga nasawi ang dalawang pulis at isang personnel ng Bureau of Corrections.

Napag-alaman na walang pahintulot sa kanilang hepe ang pagresponde ng mga pulis na isang malinaw na paglabag sa umiiral na police procedures.

Dagdag pa niya, maaari sanang naiwasan ang insidente kung maayos na nagabayan ng mga opisyal, partikular ng chief of police at provincial director, ang kanilang mga tauhan.

Inatasan na rin ng PNP chief ang Criminal Investigation and Detection Group at ang Directorate for Investigation and Detective Management na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente.

Giit ng PNP, walang magiging cover-up o whitewash sa kaso at pananagutin ang dapat managot sa insidente.

Matatandaan na ni-relieve sa puwesto ang chief of police ng Puerto Princesa City Police Office.

(TOTO NABAJA)

75

Related posts

Leave a Comment