NADAGDAGAN pa ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na pumalag kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong matapos nitong sabihin na magiging “moro-moro” lamang ang isasagawang imbestigasyon ng mga ito sa flood control projects.
“So ang sinasabi ba ni Mayor Magalong na kung moro-moro ang aming imbestigasyon dito sa Kamara, magkakasabwat kami? Konting ingat sana sa mga akusasyon. Madali magbitaw ng mga salita, pero mahirap ito patunayan,” ani Manila Rep. Bienvenido Abante Jr.
Ayon sa mambabatas, kung talagang may ebidensya si Magalong na may mga congressman na sangkot sa anomalya ay dapat niya itong ilabas at panumpaan sa harap ng publiko upang hindi madamay lahat at maging ang institusyon.
“His statements are an insult to the institution that we work hard to preserve and promote. Sana bawiin na ni Mayor ang kanyang mga sinabi,” ayon pa sa kongresista lalo na kung wala itong ebidensya.
Unang pinalagan nina Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V at Leyte Rep. Richard Gomez si Magalong dahil buong institusyon umano ang nadadamay sa kanyang mga pahayag na walang maipakitang ebidensya.
Hindi naman nagustuhan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang paggamit sa salitang “moro-moro” na insulto umano sa Muslim community na kanyang kinabibilangan.
“As a Muslim, I take offense at the casual use of the term ‘moro-moro’ to describe an investigation. Words carry history. We can debate corruption with vigor, but we should never trivialize the struggles of Moro communities by turning that term into an insult,” pahayag ng Muslim solon.
Tulad ni Abante, hinamon ni Adiong si Magalong na pangalanan ang mga kongresista na alam nitong sangkot sa nasabing anomalya.
Samantala, sinabi naman ni Manila Rep. Ronaldo Valeriano na iimbitahan nila si Magalong sa imbestigasyon ng Tri-Committee, hindi para gisahin kundi hingin ang kanyang tulong lalo na kung meron siyang hawak na ebidensya.
(BERNARD TAGUINOD)
158 