SPEAKER DY: KAHUSAYAN GAMITIN UPANG IANGAT ANG KAPWA, MAGLINGKOD SA BAYAN

HINIMOK ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Lunes ang mga Pilipino na gamitin ang kanilang mga kasanayan at talento hindi lamang para makamit ang pansariling tagumpay, kundi upang mapabuti rin ang buhay ng iba at makatulong sa pag-unlad ng bansa.

Sa kanyang talumpati bilang pagkilala sa mga Metrobank Foundation Outstanding Filipinos 2026, sinabi ni Speaker Dy na ipinakita ng mga nagwagi ngayong taon ang tunay na kahulugan ng paglampas sa kahusayan o “Beyond Excellence” sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan.

“Ang excellence ay pagiging mahusay sa iyong ginagawa. Ang ‘beyond excellence’ ay kapag ang kabutihang ginagawa mo ay nakikinabang ang iba. Kapag lumalampas ka sa inaasahan sa iyo upang mapaglingkuran ang ating mga kababayan,” ani Speaker Dy.

“Ito ang beyond excellence—ang lumampas sa inaasahan sa atin, magbigay nang walang hinihintay na kapalit, at unahin ang paglilingkod kaysa sa sarili.”

Kinikilala ng Metrobank Foundation Outstanding Filipinos program ang mga guro, sundalo at pulis na nagpapakita ng kahusayan sa kanilang propesyon at naglilingkod nang higit sa hinihingi ng kanilang tungkulin.

Mga natatanging guro

Dr. Emmanuel D. Guarde, Master Teacher III sa Cornelio Lintawagin Memorial Elementary School sa Naujan, Oriental Mindoro — “Tagapangalaga ng Katutubong Kaalaman at Pamana ng Oriental Mindoro”
Sheila Marie M. Amigo, Master Teacher I sa Siay National High School sa Siay, Zamboanga Sibugay — “Pangunahing Tagapagtaguyod ng Makabago at Makataong Pagkatuto sa Zamboanga Sibugay”
Dr. Cecilia O. Bucayong, Professor VI at Director for Environmental and Safety Management sa Central Mindanao University sa Maramag, Bukidnon — “Makabagong Imbentor sa Edukasyong Pisika ng Bukidnon”
Dr. Jefferson A. Hora, Professor VI at Dean ng College of Engineering ng Mindanao State University–Iligan Institute of Technology sa Iligan City, Lanao del Norte — “Rebolusyonaryong Tagapagturo sa Edukasyon at Inobasyon sa Microelectronics ng Mindanao”

Mga natatanging sundalo

Staff Sergeant Joebelle O. Cerdinio (SC) PA, Signal Non-Commissioned Officer ng 102nd Infantry Brigade, 1st Infantry Division, Philippine Army — “Tagapagtanggol ng Nagkakaisang Pagtugon at Komunikasyon sa Zamboanga Peninsula”
Staff Sergeant John Daren P. Noche PAF, Non-Commissioned Officer-in-Charge for Safety ng Tactical Operations Group 10, Philippine Air Force — “Tagapagtaguyod ng Inobasyon para sa Mas Ligtas na Pamayanan ng Philippine Air Force”
Lieutenant Colonel Rommel M. Geli PN(M), Commanding Officer ng Marine Battalion Landing Team 9, 3rd Marine Brigade, Philippine Marine Corps — “Lingkod-Lider sa Depensang Teritoryal at Pagpapatatag ng Kapayapaan ng Philippine Marine Corps”

Mga natatanging pulis

Police Master Sergeant Dwight Alexis B. Supsupin, Team Leader ng Technical Support Company, Regional Mobile Force Battalion 15, Police Regional Office Cordillera Administrative Region — “Tagapagpasigla ng Makabagong Community Policing sa Cordillera”
Police Major Baby Rose P. Cajulao, Chief ng Community Affairs Section, Regional Community Affairs and Development Division, Police Regional Office 2 — “Tagapagtaguyod ng Pagpapaunlad ng Pamayanan sa Cagayan Valley”
Police Lieutenant Colonel Robert R. Mansueto, Deputy Provincial Director for Administration ng Antique Police Provincial Office, Police Regional Office 6 — “Tagapagtaguyod ng Digital Systems para sa Kaligtasan ng Publiko sa Western Visayas”

Sinabi ni Speaker Dy na ipinakita ng mga pinarangalan kung paano maaaring gawing makabuluhang paglilingkod sa mga Pilipino ang kahusayan sa propesyon.

“Sa inyong mga ginagawa, ipinapakita ninyo na ang husay ay maaaring maging paraan ng paglilingkod. Ang talento ay maaaring maging malasakit. At ang tagumpay ng isang tao ay maaaring maging daan upang umangat ang karamihan,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang pag-unlad ng bansa ay hindi lamang nakasalalay sa mga programa ng pamahalaan at malalaking desisyon sa polisiya, kundi maging sa mga Pilipinong ginagamit ang kanilang kakayahan para sa kabutihang panlahat.

“Ang pag-unlad po ng Pilipinas ay hindi lamang nakasalalay sa malalaking programa o desisyon—nakasalalay rin ito sa milyun-milyong Pilipinong gumagamit ng kanilang kakayahan hindi lamang para sa pansariling pakinabang, kundi upang maging katuwang natin para sa pag-angat ng sambayanan,” aniya.

Sinabi rin ng Speaker na ang kabayanihan ay hindi lamang makikita sa kasaysayan kundi maging sa araw-araw—sa mga gurong hindi sumusuko sa kanilang mga estudyante, mga pulis na nagpoprotekta sa mga komunidad, mga sundalong naglilingkod malayo sa kanilang pamilya, at mga ordinaryong Pilipinong kumikilos kahit walang pagkilala.

“Araw-araw, may mga Pilipinong tahimik na gumagawa ng kabayanihan at kabutihan,” aniya.

“May mga ordinaryong Pilipino na hindi na naghihintay pa na may ibang kumilos—sila mismo ang gumagawa ng paraan upang makapagsilbi sa kapwa. Kahit walang nakakakita. Kahit walang palakpakan. Kahit walang parangal.”

Iniharap din ni Speaker Dy ang isang resolusyon ng Kamara na kumikilala at nagbibigay-pugay sa 10 awardee dahil sa kanilang dedikasyon, natatanging pagganap at ambag sa pagpapaunlad ng bansa.

Hinimok niya ang mga awardee na ipagpatuloy ang pagbibigay-inspirasyon sa iba pang mga Pilipino na isulong ang kahusayan na may malasakit at pananagutan sa kapwa.

“Dahil ang Pilipinas na nais nating itayo ay huhubugin ng milyun-milyong Pilipinong pinipiling gawin ang kanilang bahagi para sa kapakinabangan ng iba. Gawin nating mas makabuluhan ang ating kahusayan upang makapagbigay ng positibong pagbabago sa buhay ng ating kapwa,” ani Speaker Dy.

“Nawa’y patuloy ninyong gamitin ang inyong husay upang maglingkod, magbigay ng pag-asa, at magbukas ng mga oportunidad para sa mas marami nating kababayan.” (TINA MENDOZA)

78

Related posts

Leave a Comment