KOMITE NI CONG. DEFENSOR ‘INAAGAW” NG MINORYA

INTERESADO ang bagong lider ng Minority bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso na makuha ang House committee on public accounts na pinamumunuan ngayon ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor.

Sa virtual press conference ni House minority leader Joseph Estephen Paduano ng Abang Lingkod party-list, sinabi nito na ila-lobby umano ng mga ito kay House Speaker Lord Allan Velasco para makuha ng minority bloc ang nasabing komite.

“Kasi iyan ay pinaka-importanteng committee sa minority,” ani Paduano na pumalit kay Manila Rep. Bienvenido Abante bilang minority leader matapos itong mag-resign at sumama sa liderato ni Velasco.

Ayon sa mambabatas na dating lider ng New People’s Army (NPA) at nagbalik-loob sa gobyerno bago naging kinatawan ng Abang Lingkod party-list, napakahalaga ng nasabing komite dahil ito ang nagbubusisisi sa mga katiwalian sa gobyerno.

“Example, public accounts (committee). Oversight functions ng Congress yan. So ‘yung pagbusisi (sa mga katiwalian) that should be lead by the minority,” ayon pa kay Paduano.

Nais ding makuha ng minority ang pamumuno sa Oversight committee at maging ang committee on ethics na dating hawak ng minorya sa mga nakaraang Kongreso.

Wala pang sagot ni Defensor sa isyung ito subalit ang kanyang komite ang nanguna sa imbestigasyon sa mga atraso o utang na buwis ng electric companies sa gobyerno gayundin sa ABS-CBN franchise. (BERNARD TAGUINOD)

145

Related posts

Leave a Comment