UMAKYAT na sa mahigit sa pitong libo ang bilang ng mga nag-positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito sa ating bansa. Nakatakda na sanang matapos ang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa katapusan ng buwan ng Abril ngunit bunsod nang patuloy na pagtaas ng bilang ng positibong kaso sa bansa ay minabuti ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin ang pagpapatupad ng ECQ hanggang sa ika-15 ng Mayo.
Upang mas maging epektibo ang ipinapatupad na ECQ, kasama sa mga bilin ni Pangulong Duterte ay ang mahigpit na pagpapatupad ng mga probisyon nito na pangangasiwaan ng mga pulis at militar.
Kasalukuyang laman ng balita at usap-usapan sa social media ang nangyaring insidente nang pagbaril sa isang sibilyang nagngangalang Winston Ragos sa isang checkpoint sa Quezon City. Kinalaunan ay napag-alamang si Ragos ay dating militar na nakararanas ng post traumatic stress disorder o PTSD. Mabilis na kumalat ang video ng nasabing insidente at sa video ay makikita na tila walang matibay na pruweba ang mga pulis, lalo na ang bumaril na si Police Master Sargeant Daniel Florendo, na manlalaban at bubunot ng baril ang biktima. Maririnig din sa video na ipinaaalam ng iba pang mga sibilyan na nasa mismong lugar nang pamamaril na may war shock si Ragos ngunit wala raw pakialam ang mga pulis dito.
Maaaring hindi buong pangyayari ang nakuhanan nang kumalat na video. Kung anuman ang buong pangyayari, isang malaking katanungan pa rin kung bakit kinailangang humantong sa pagbaril sa sibilyan.
Makikita rin sa video na nakataas ang mga kamay ni Ragos habang nakatalikod sa mga pulis na sumisita sa kanya. Ngunit tila hindi ito nakikinig sa mga sinasabi ng pulis. Ayon din sa kapatid ni Ragos, wala raw armas ang biktima.
Ayon sa mga pulis, bubunot daw ng baril si Ragos sa kanyang dalang bag ngunit iba naman ang sinasabi ng mga witness sa aktwal na pangyayari. Bote ng mineral water daw ang laman ng nasabing bag.
Maaalalang sinabi ni Pangulong Duterte sa isa sa kanyang mga presscon na kapag ang buhay ng mga pulis ay nalagay sa alanganin, maaari nitong barilin ang sinumang lumalabag sa ECQ. Ito ba ang nagtulak kay Florendo na kalabitin ang gatilyo at barilin ng dalawang beses si Ragos na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito?
Base sa aking limitadong pag-intindi sa konsepto ng self-defense, upang matawag na self-defense ay dapat may nangyari munang pisikal na pag-atake. Isang bagay na hindi ginawa ni Ragos base sa video.
Hindi ako sang-ayon sa “judgment call” ni Florendo. Bagama’t tila kinampihan ni PNP Chief P/Gen Archie Gamboa si Florendo, ako ay umaasang magkakaroon pa rin ng mas mabusising imbestigasyon ukol sa pangyayari.
Ginagawa lamang ng mga pulis at militar ang kanilang tungkulin habang tayo ay may kinakaharap na krisis ngunit tila kailangang ipaalala sa mga pulis at militar na hindi tao ang kalaban dito kundi ang coronavirus. Kung walang aktwal na panlalabang pisikal, wala ring sapat na rason upang manakit ng sibilyan.
177 