IKINATUWA ni Senator Mark Villar ang pagpasa sa ikatlong pagbasa ng Child Tourist Safety Act o “Sandy’s Act” (Senate Bill No. 1926), na naglalayong palakasin ang safety standards, emergency preparedness at access sa serbisyong medikal sa mga destinasyong panturista.
Binigyang-diin ni Villar ang sinapit ng anim na taong gulang na si Sandy O. Garovillas, na nasawi matapos magkaroon ng fatal allergic reaction dahil sa kagat ng dikya habang nagbabakasyon sa Port Barton, San Vicente, Palawan noong 2023.
“The namesake of this bill, Sandy Garrovillas, is the child who unfortunately passed due to the untreated allergic reaction after being stung by a jellyfish,” ani Villar.
Ayon sa senador, hindi lamang si Sandy ang naging biktima ng kakulangan ng agarang medical aid at emergency response sa ilang tourism areas sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, palalakasin ang safety mechanisms, emergency response at access sa medical assistance sa mga itinalagang tourism zones.
“Through the Sandy’s Act, we will institutionalize immediate medical response and resources in identified tourism zones, nang sa ganoon, maiwasan na maulit ang nangyari kay Sandy at sa iba pa,” ani Villar.
“Wala na pong bata o turista ang malalagay sa panganib dahil sa kawalan ng medical aid habang sila ay nagbabakasyon,” diin niya.
“Ang mas maayos na safety at emergency measures ay makatutulong sa pagprotekta sa mga turista at pamilya, gayundin sa pagpapalakas at paglago ng turismo sa ating bansa,” pagtatapos ni Villar.
(DANNY BACOLOD)
98 