WALA SA HULOG

MARAMI-RAMI na rin akong nabasang libro, marami na rin akong napanood na documentary hinggil sa gobyerno ng iba’t ibang bansa sa mundo at mga tao nagsusulong ng pagbabago sa kanilang bansa.

Karaniwan ang mga nagsusulong ng pagbabago at nangangampanya ng rebulusyon para palitan ang nakaupong pangulo ay ang mga oposisyon na hindi sang-ayon sa ipinapatupad na polisya at ginagawa ng nakaupong liderato.

Madalas din na ang mga karaniwang tao ang naghahanap ng pagbabago tulad ng ginawa ng sektor ng paggawa sa Pransya sa hindi malilimutang “French Revolution”.
Pero dito sa ating bansa, hindi ang oposisyon at lalong hindi ang mga kariniwang manggagawa ang nagsusulong ng revolutionary government kundi ang kakampi mismo ng nakaupong Pangulo na si ­Rodrigo Roa Duterte. Only in the Philippines ika nga.

Kahit ano pang paliwanag ng Pangulo at maging ang kanyang tagapagsalitang si Harry Roque, hindi nila maitatanggi na ang nagsusulong sa ­revolutionary government ay mga ­kaalyado nila.

Malinaw sa pangalan ng kanilang organisasyon: Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Council (MRRD-NECC) na kakampi ng Pangulo ang grupong ito.

Kung hindi ako nagkakamali, itinatag ang grupong ito bago ang 2016 presidential elections para himukin ito na tumakbo bilang ­pangulo ng bansa para isulong daw ang pagbabago.

Umattend pa nga ang Pangulo sa isa sa kanilang pagtitipon kaya supporters niya ang mga ito. Posibleng walang alam ang Pangulo sa kanilang ginagawa pero ganun pa rin, supporters niya ang mga ito.

Kung magtatagumpay ang grupong ito sa kanilang isinusulong, hindi papalitan si Duterte kundi bibigyan ito na dagdag na kapangyarihan para isulong ang pagbabagong nais nila tulad ng pag-amyenda sa Saligang Batas.

Kung baga gusto nilang maging diktador ang ­Pangulo para ma-short cut marahil ang lahat ng bagay dahil kung aasa ka nga naman sa sistemang umiiral ngayon, matatapos na ang kanilang termino ay hindi pa maaamyendahan ang Saligang Batas.

Pero mali pa rin dahil sa ilalaim ng revolutionary ­government, dapat matanggal ang nakaupong pangulo at palitan ang gobyerno sa kabuuan. Kabaliktaran sa nais ng MRRD-NECC.

Dahil dyan, marami ang nagsasabi na necc, este nek-nek nyo. Hawak ng a­dministrasyon ang ­Kongreso na madalas namang nangyayari kahit sino pa ang nakaupo sa Malacanang at kaya nilang baguhin ang lahat ng gusto nilang baguhin sa batas kung nanaisin nila na hindi na kailangan ng r­ebolusyunaryong pamamahala.

Teka, inciting to sedition ang nagtutulak ng rebolusyon hindi ba? Bakit wala pang hinuhuli sa mga lider at miyembro ng grupong ito.

Kung nagkataong oposisyon ang mga iyan o kaalyado ng anumang grupo na kritiko ng administrasyon tiyak na nagkaroon na ng mass arrest at napuno na ang mga kulungan sa dami nila.

Lalo tuloy nasira ang depensa ng Malacanang na wala silang kinalaman sa grupong ito at hindi nila kilala ang mga ito dahil kung talagang totoo yan, bakit hindi arestuhin ang mga yan?

151

Related posts

Leave a Comment