YEAR OF THE SNAKE, SUWERTE O MALAS KAYA KAY PLTCOL. PARLADE?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

GAGAPANG kaya na tulad ng ahas patungo sa tinatawag na “Kangkungang” assignment o mahuhubaran ng uniporme itong si PLTCOL. REYNANTE PARLADE ngayong taong 2025?

 Si PLTCOL. PARLADE ay inireklamo sa Office of the Ombudsman ng dati niyang mga tauhan sa Galas Police Station 11 ng Quezon City Police District (QCPD).

 Sa sulat na may petsang Nobyembre 19, 2023 ng mga tauhan ng Galas Police Station 11, na tinanggap ng Office of the Ombudsman noong Nobyembre 20, 2023, hiniling nila ang agarang imbestigasyon kay PLTCOL. Parlade.

  Batay sa sulat, simula nang maging station commander sa Galas Police Station 11 si Parlade noong Setyembre 5, 2023, ipinatawag nito ang mga pulis ng istasyon para sa agarang accounting ng personnel at walang pagdadalawang-isip na sinabi sa kanila na ayaw niyang ma-assign sa nasabing istasyon at wala siyang takot na ma-relieve anomang oras.

 Nagbabala rin si Parlade na ang lahat ng mga tauhan niya ay dapat sumunod sa lahat ng kanyang mga utos at direktiba kung hindi ay sisibakin silang lahat. Ganoon naman pala, may paunang babala si Kernel. Kung sinibak niya kaya ang lahat sino ang magiging tauhan niya?

 Halos lahat ng mga patakaran sa istasyon ay binago ni Kernel Parlade hanggang sa humantong sa pakiramdam ng mga pulis sa Galas Police Station 11, na natatapakan ang kanilang mga karapatang pantao.

 Maging sa mga pulis na may high blood, gout, arthritis at iba pang may problema sa kanilang kalusugan ay walang pakialam si Kernel Parlade.

Maging sa leave of absence ng personnel ay wala rin umanong konsiderasyon ang opisyal kahit na may dokumentong ipakikita ang kanyang mga tauhan, ang lupit ni sir, ‘di ba?!

Binago rin ni Kernel Parlade ang patakaran sa Buddy system sa patrol operation. Ginawa niyang isa lang ang pulis na magpapatrulya sa bawat isang mobile car.

Hindi ba iniisip ng opisyal na ito ang kaligtasan ng kanyang mga pulis pagdating sa pagresponde kapag may alarma sa kanila?

 Sinubukang pigilan ng personnel ang bagong patakaran na ito subalit nanindigan ang opisyal na siya ang masusunod sa tinawag niyang “ONE MAN ARMY.”

Hindi kaya naisip ni Kernel Parlade na malalagay sa panganib ang kanyang pulis kapag mga holdaper ng mga bangko ang makasasagupa nito?

Ay naku sir, kung ganyan ang iyong patakaran, dapat wala kayong hinahawakang mga tao dahil inilalagay n’yo sila sa panganib.

Si Parlade ay dati ring naging hepe ng District Personnel and Records Management Division (DPRMD) ng QCPD.

Dahil sa mga reklamo na ‘yan, ang manifestation ng Office of the Ombudsman sa Admin Case CO-0-050224-9B820 ni Parlade ay ipinadala sa Civil Service Commission (CSC) na tinanggap noong Oktubre 28, 2024 na may kaugnayan sa isinampang administrative offenses partikular ang ‘act of dishonesty, oppression, grave misconduct, and neglect in the performance of duties.’

Ang first endorsement ng Office of the Ombudsman sa tanggapan ni Hon. Karlo Nograles chairperson ng CSC, ay noong Abril 26, 2024, na nilagdaan ni Jose M. Balmeo, Jr., Deputy Ombudsman.

Ano kaya ang masasabi ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil sa reklamong ito?

Sinubukan nating kunin ang panig ni Kernel Parlade subalit hindi natin siya makontak.

                                                                                                                                                 oOo

Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0931-125-4982.

55

Related posts

Leave a Comment