TARGET ni KA REX CAYANONG
SA patuloy na pag-unlad ng Quezon, mahalagang matugunan hindi lamang ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayan kundi maging ang mga pundasyon ng kinabukasan—ang edukasyon at agrikultura.
Kabilang sa malaking hamon ng Quezon National High School sa Lucena City ang kakulangan sa mga silid-aralan. Sa mahigit 11,000 estudyante, malinaw na kailangan ng paaralan ng karagdagang pasilidad upang matiyak na maayos, ligtas at komportable ang kanilang pag-aaral.
Dito makikita ang maagap na pagtugon ni Governor Doktora Helen Tan.
Pinuntahan ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang posibleng pagtatayuan ng tatlong gusali na may mahigit 25 silid-aralan.
Kung maisasakatuparan agad, malaking tulong ito upang maibsan ang kakulangan sa classrooms at mabigyan ng mas magandang learning environment ang mga kabataan.
Hindi lamang sa edukasyon nakatuon ang pamahalaang panlalawigan.
Mahalaga rin ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura dahil nakasalalay rito ang kabuhayan ng maraming Quezonian.
Patunay nito ang pakikipagtulungan ng provincial government at Southern Luzon State University o SLSU sa tissue culture propagation para sa mga pananim, kabilang ang Raniag variety na patatas.
Layunin ng kasunduang ito na makalikha ng disease-free at de-kalidad na planting materials para sa mga magsasaka.
Ang ganitong hakbang ay hindi lamang tungkol sa makabagong teknolohiya. Ito ay pamumuhunan sa mas produktibong pagsasaka, mas magandang ani at mas matatag na kabuhayan para sa mga magsasakang Quezonian.
Sa pamumuno ni Governor Tan, makikitang magkaugnay ang edukasyon at agrikultura sa paghubog ng mas maunlad na Quezon. Ang paaralang may sapat na pasilidad ay naghahanda ng kabataan para sa kinabukasan, habang ang makabagong agrikultura ay nagbibigay ng oportunidad sa mga pamilyang umaasa sa pagsasaka.
Hindi sapat ang mga plano kung walang konkretong hakbang.
Kaya mahalaga ang mabilis na pagtugon sa pangangailangan ng mga paaralan at ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga institusyong may kakayahang maghatid ng makabagong solusyon sa agrikultura.
Aba’y sa panahon ng maraming hamon, kailangan ng pamahalaang may malinaw na direksiyon at malasakit sa mamamayan. Ang mga programang nakatuon sa edukasyon at kabuhayan ay mga hakbang tungo sa pangmatagalang pag-unlad.
Ang tunay na progreso ay hindi lamang nasusukat sa mga gusaling naitatayo, kundi sa mga buhay na napabubuti. Sa bawat bagong classroom na maidaragdag at bawat magsasakang matutulungan, mas napalalapit ang Quezon sa isang kinabukasang mas maunlad at mas matatag.
Dahil dito, nararapat lamang na suportahan ang mga programang naglalayong palakasin ang edukasyon at agrikultura.
At sa pamumuno ni Governor Helen Tan, ang pagtutok sa dalawang mahalagang sektor na ito ay isang hakbang na nagbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa mga kabataan at mas matatag na kabuhayan para sa mga Quezonian.
87 