CLICKBAIT ni JO BARLIZO
KUNG mayroong Olympics para sa selective blindness, pambato na natin ang China. Pano kasi, ang arbitral ruling noong 2016 na malinaw na nagsasabing sa atin ang West Philippine Sea ay parang hindi nabasa. Pero pagdating sa pagpapatupad ng kanilang immigration laws laban sa mahigit 100 Pilipino na inaresto umano roon, napakabilis at napakahigpit bigla ng kanilang mga awtoridad.
Ipinahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Agosto 13, na agad silang nakipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Beijing at sa ating Consulate-General para beripikahin ang totoong kaganapan, tiyakin ang due process, at magpaabot ng consular assistance. Respeto sa pambansang batas ng ibang bansa? Naroon na tayo—iresponsable man kung babalewalain natin ang sovereign rights ng iba sa kanilang sariling bakuran. Ngunit paano naman ang respeto nila sa atin kapag ang pag-uusapan ay ang sarili nating bakuran at mga mangingisda?
Ito ang nakatatakot na pattern. Kapag ang China ang gumagawa ng unilateral na galaw sa karagatan—mula sa pagpapatakbo ng mga water cannon hanggang sa pagharang sa ating supplies—respeto at pakikipagkapwa-tao ang hinihingi natin. Ngunit sa bawat hakbang at reaksyon, tila lumiliit ang espasyo para sa diplomasya at lumalaki ang tsansa ng mas matinding sigalot.
Hindi natin hinihiling na magkaroon ng preferential treatment ang ating mga kababayan kung tunay man na sila’y may nilabag na batas sa dayuhang lupa. Ang apela ng DFA, alinsunod sa Vienna Convention on Consular Relations, ay tiyakin lamang ang kanilang kapakanan at agad na ipagbigay-alam sa ating gobyerno ang kanilang estado.
Subalit sa gitna ng malamig na relasyon dahil sa hindi matapos-tapos na away-teritoryo, mahirap na hindi mag-alala. Kapag ang isang malaking bansa ay patuloy na nagbubulag-bulagan sa international law habang mabilis magparusa sa maliliit na usapin, ang susunod na hakbang ay hindi na lang basta diplomatikong tensyon—kundi isang malaking sakuna na tayong lahat ang magbabayad.
o0o
Ghost month na naman. Napakabilis talaga ng mga araw.
Nagsimula ang Ghost Month nitong Agosto 13 hanggang Setyembre 10 ngayong taon.
Pero parte ito ng matandang paniniwala na malamang ay marami na ang hindi naniniwala. Sabagay, sa Pilipinas ay hindi naman bago ang usaping ghost. Wala itong pana-panahon.
Nandyan ang ghost projects, multong estudyante at empleyado na kumukubra bawat payday kahit walang duty.
At ngayon heto, mayroon din daw ghost senior citizens na kumukubra pa ng social pension kahit sumakabilang-buhay na. Isa pang malupit iyong ilang politiko na makapal ang mukhang gumamit ng kuryente pero hindi nagbabayad.
Sana multuhin na kayo ng inyong mga konsensya.
89 