ISINIWALAT ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na may tangkang suhulan ng ₱1.5 milyon para matanggal sa listahan ng mga suspek sa Missing Sabungeros Case ang pangalan ng gambling boss na si Charlie “Atong” Ang.
Ayon kay Remulla, inaresto ng CIDG ang mag-asawang sina Cristina at Alvin Bernabe na umano’y inutusan para bayaran at kumbinsihin ang mga kaanak ng mga biktima na umatras sa kaso. Isa sa mga nadale ay si Jaja, kinakasama ng biktimang si John Inonog, na pinapirma sa isang recantation matapos tanggapin ang milyong suhol.
Sa presscon, kinumpirma rin ni Justice Asec. Eliseo Cruz na mismong pangalan ni Atong Ang ang isa sa mga ipinatatanggal ng mag-asawa sa reklamo. “Oo,” ang naging tugon umano ng mga ito nang tanungin kung kasama si Ang sa mahigit 60 respondents na nais burahin sa kaso.
Nahaharap ngayon ang mga Bernabe sa mga kasong obstruction of justice, perjury, at grave coercion.
Giit ni Remulla, hindi matitigil ang kaso kahit pa may panunuhol. Tuloy ngayong Huwebes ang preliminary investigation laban sa mga respondent, kabilang sina Atong Ang at aktres na si Gretchen Barretto, na inaasahang magsusumite ng kani-kanilang counter affidavit.
(JULIET PACOT)
168 