MULING nagbabala si Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus, laban sa lumalalang kalagayan ng mga mangingisdang Pilipino at sa umano’y pagkukunwari ng China sa West Philippine Sea.
Aniya, “Pumunta ka sa Subic at makikita mo ang katotohanan—mga bangkang iniwan, mga amang napilitang magtrabaho sa konstruksyon, at mga pamilyang tinalikuran ang tradisyong bumuhay sa kanila. Hindi ito iilang kuwento lang; ito ang tunay na mukha ng pinsala at agresyon ng China.”
Isang ulat ang nagpatunay sa babala ni Goitia: halos wala nang huli ang mga mangingisda sa Subic. Ang dating yamang dagat na bumubuhay sa kanila ay hindi na sapat para sa gasolina, lambat, at pagkain. Dahil dito, marami ang napipilitang iwan ang dagat at maghanap ng ibang kabuhayan.
Kasabay nito, tinuligsa ni National Security Adviser Eduardo Año ang hakbang ng China na magtatag ng umano’y “nature reserve” sa Bajo de Masinloc. “Malinaw ang kontradiksiyon—mula 2016, may ebidensya ng malakihang pangingisda at pagkasira ng bahura na gawa ng mga Tsino. Paano sila magiging tagapangalaga kung sila rin ang sumira?” giit ni Año. Sinang-ayunan ito ni Goitia:
“Hypocrisy ito! Hindi lang kalikasan ang pinapatay nila kundi pati ang kabuhayan at pagkain ng mga Pilipino.”
Nitong Setyembre 16, nagbanggaan ang barko ng Pilipinas at China sa Bajo de Masinloc. Habang tinawag ng Beijing na “mapang-udyok” ang hakbang ng Maynila, iginiit ng AFP at PCG na ito ay malinaw na iligal na panghaharas sa loob ng ating Exclusive Economic Zone. Maging makataong misyon na magdadala ng gasolina at pagkain para sa mga mangingisda ay hinarang ng siyam na barkong Tsino.
Para kay Goitia, malinaw na ang tinatawag na “nature reserve” ay tabing lamang ng iligal na okupasyon. “Bawat banggaan, bawat water cannon, ay isa pang pako sa kabaong ng kanilang huwad na naratibo,” aniya. Dagdag pa niya, ang laban sa West Philippine Sea ay laban para sa kinabukasan ng buong bayan: “Ang dagat ay hindi kayang ipagtanggol ng mga sumira nito. Tanging mga Pilipinong mangingisda ang dapat maging tagapangalaga—at tungkulin nating lahat na ipaglaban sila.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayang organisasyon: ABKD, PADER, LIPI, at FDNY Movement.
110 