KINASUHAN ng National Capital Region Police Office-Caloocan City Police Station ang babaeng nag-ulat na may motorcycle rider na nagpakilalang pulis, nanggipit, at nagtangkang dumukot sa kanya, matapos na lumitaw na magkakilala babae at ang rider.
Kinumpirma ng pamunuan ng Northern Police District na sinampahan ng ‘unlawful means of publication and libel’ si Samantha Pargad sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
Ito ay matapos ang masusing imbestigasyon sa ulat sa naganap sa Alma Jose St. sa Barangay 177, kung saan sumingaw sa pahayag ng dalawang saksi na na magkakilala si Pargad at ang “inireklamo” niyang rider.
Ayon sa mga imbestigador, kabulaanan ang mga sinabi ni Pargad batay sa bagong closed-circuit television (CCTV) camera footage at pahayag ng mga saksi.
Kaugnay nito, nanawagan ang pulisya sa publiko na maging mapagmatyag sa pagpo-post sa social media platforms upang maiwasan ang pagkabalisa at takot sa komunidad.
Ilang sektor naman ang nagtaka sa kaso laban kay Pargad dahil hindi naman umano nangangahulugan na dahil magkakilala ang dalawang tao ay hindi na pwedeng pagtangkaang gawaan ng masama ng isa sa mga ito ang kabilang panig. (ALAIN AJERO)
