BACK TO WORK, BACK TO FAKE NEWS

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TAPOS na ang maikling pahinga, balik-trabaho na ang karaniwang mamamayan at balik-konsumisyon din sa pang-araw-araw na buhay at usapin sa pulitika.

Haharap na muli sa reyalidad na mahal ang langis, tataas ang mga bayarin at bilihin.

Tulad nitong abiso ng Department of Trade and Industry (DTI) sa publiko na asahan ang pagtaas ng presyo ng ilang pangunahing bilihin pagkatapos ng April 16, 2026. Katapusan na raw ng
boluntaryong price freeze na ipinatupad ng ilang manufacturer.

Ano ba ‘yan. Akala pa naman ng ilan ay katulad ‘yang price freeze na ‘yan sa nobela o kwentong komiks na may itutuloy, ‘yun pala wakasan.

Damay-damay na sa pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo ang bayarin sa serbisyo, pagkain, tubig, kuryente, LPG at iba pang pangangailangan ng publiko.

Hindi raw naman kailangang mag-panic dahil ang dagdag-presyo ay maliit lang. Ayon ‘yan sa isang grupo ng supermarket owners.

Natural na mabalisa ang publiko dahil ang walang gaanong halaga na patong na ‘yan sa presyo ay matimbang at mabigat na ngayon.

Gumagasta ang publiko habang kumikita ang nagtitinda.

Kaya buhay na buhay ang sachet economy o ang pagbebenta at pagbili ng paisa-isang pakete.

Hindi na kakayanin ang malakihan kaya tingi lang muna. Kahit pa may taas-presyo rin ito ay hindi naman gaanong ramdam ng bulsa.

Wala naman daw magagawa kundi tanggapin ang sitwasyon.

Kaya laging nakabunton at ipinaaako sa publiko ang bigat at pasanin dahil sa kadalasang pagkikibit-balikat na reaksyon.

Tuloy, kahit sa fake news ay madalas may nabibihag. Dahil kaya sa daming problema at pinagkakaabalahan ay wala na silang pakialam o intensyong beripikahin ang naririnig, napanonood o nababasa?

Palagi nang may paalala na maging mapanuri pero parang wa epek.

Gaya nito, kahit Mahal na Araw ay may umikot na post na magkakaroon ng energy lockdown simula April 20, dahil sa kakulangan ng supply ng kuryente.

Pinabulaanan ito ng Malacañang at sinabing ito ay fake news. Walang inanunsyo ang Malacañang o ang Department of Energy tungkol sa energy lockdown.

Ang mapanlinlang na advisory, na mayroon pang logo ng DOE, ay humihikayat sa publiko na ihanda ang power banks, solar equipment, kandila, lamps, pagkain, at iba pang pangangailangan para sa nakaambang energy lockdown.

Hindi lang ‘yan, maging ang Department of Health ay may pinasinungalingan ding balita na kumakalat. Ang sabi sa post ay magkakaroon ng emergency lockdown simula sa Abril 10, 2026 dahil sa Cicada variant ng COVID-19.

Madali ngang mataranta at mabalisa ang tao kung mapaniwalain. Ano ba ang meron sa mga ganitong uri ng fake news at agad itong pinaniniwalaan?

Sabagay, kahit nga mga kilalang personalidad at maging senador ay nadedenggoy ng fake news, o gumagawa ng kaduda-dudang pakulo.

Ayan at batikos at panlalait ang inabot ni Senador Robinhood Padilla dahil sa pag-share ng chain message tungkol sa Meta privacy. Burado na ang post ng senador.

Gigil na gigil tuloy ang mga netizen. Biruin mo nga naman, chairman ng Senate committee on mass media tapos hindi marunong mag-fact check?

Pero may dagdag pang makababalisa sa publiko at ito ay ang inaasahang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa sigalot sa Gitnang Silangan.

Matapos ang apat na araw na trading, maaari raw tumaas ng P17 hanggang P19 kada litro ang presyo ng retail diesel ngayong Abril 7.

Dios mio Marimar! Papatak na ang presyo ng regular na diesel sa hanggang P165 at ng premium diesel na lagpas sa P170 kada litro.

Maaari ring tumaas ang presyo ng gasolina ng P3 hanggang P5 kada litro.

Ano, kaya pa ba?

79

Related posts

Leave a Comment