BAKIT HINDI PINALALAKAS ANG ATING DEPENSA MILITAR?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

TALAGANG seryoso, hindi na biro ang pangahas, walang takot na panggugulo, pambabraso ng China at lantaran na ang pagsasabi na ang buong South China Sea (ating tinatawag na West Philippine Sea) ay kanila — raw?

Na hindi natin sinasang-ayunan at maging ng Vietnam, Taiwan, Indonesia, Malaysia at ng Brunei, at hindi lang US, ang kontra sa pag-angkin ng China sa WPS.

Maging ang India, Japan, Australia at Canada at maging ang Czech Republic, kontra rin sa ikinikilos ng Beijing kasi nga banta ito sa kapayapaan ng Indo-Pacific region at ng kalayaan sa paglalayag.

Nag-usap noon sina Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping hinggil sa isyu ng WPS — na daanin ito sa maayos na usapan, pero kita natin ang kasunod na pangyayari: tuloy-tuloy ang harassment sa ating mga mangingisda sa Ayungin Shoal, at iba pang dati ay pangisdaan natin sa Zambales, at iba pang sakop ng ating Exclusive Economic Zone at ng ating sovereign territory.

Kahit may desisyon na ang Permanent Court of Arbitration (PCA) na mali ang 9-dash line ng China sa pag-angkin sa ating teritoryo, sige pa rin ang Beijing sa mga peligrong maniobra sa pagharang sa ating mga barko at bangkang nagsu-supply sa nakabahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na talagang nasa ating teritoryo.

Kaya nasabi nga ni PBBM, kahit isang dangkal ng ating teritoryo, ilalaban na niya, at hindi siya papayag na makuha ng China nang gayon na lamang.

Sabi ng US sa atin dati pa, na anytime, handa ang militar ng US — na idepensa ang Pilipinas laban sa aggression ng China, kung mauuwi ito sa giyera.

Sa totoo lang po, dear readers, ayaw natin at ni PBBM ng armadong labanan, pero kailangang handa tayo. At panahon na talaga na palakasin ang ating depensa militar.

Totoong malaking banta sa peace and order sa kalakalan ng mundo, ang aggressive behavior ng China sa SCS — dito dumaraan ang napakaraming barkong komersyal na naghahatid ng halagang $3-trillion na komersiyo na dinadala sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kaya sa meeting noon nina PBBM, US at Japan ay napagkasunduan na kailangan nang palakasin ang ating depensa militar sa dagat, himpapawid at sa lupa, wow!

‘Wag magulat kung sa mga susunod pang WPS joint patrol, may kasama nang Japanese warship at tropang militar, at ‘pag nangyari ito, tingnan natin kung magawa pa ng China na mag-astang maton sa Asia!

At alam n’yo ba, sa pakikipag-meeting noon ni PBBM sa bansang US at Japan ay dinagdagan ng US ang tulong sa infra projects sa mga base militar natin, at ang Japan naman, nangakong handang mag-invest ng maraming negosyo sa ating bansa.

Isipin natin kung hindi kumilos si PBBM na palakasin ang ating collective security sa Washington, Tokyo, at sa Australia at sa Germany at iba pang bansa, baka nagkakagulo na tayo, kasi itong China, siguro ay lalong “magwawala” sa kanilang pangahas na agawin sa atin ang WPS.

Sana, matuloy na ang planong pagtatayo natin ng sariling istruktura sa mga bahura natin sa Ayungin Shoal at iba pang ating nasasakop sa WPS.

Bakit China at Vietnam lamang ba ang may karapatang magtayo ng military and naval bases, tayo nga ang mas may karapatan na gawin ito.

Saka, isa pa, ang actual possession sa mga bahura na iyan ang patunay ng ating paninindigang atin nga ang WPS, at hindi lang sa salita natin ito ginagawa.

Samahan natin si PBBM sa pagtatanggol sa ating bansa, at sa mga duda pa, konting malasakit, ‘pagkat sino ba ang maaaring magtanggol sa atin, kundi tayo rin.

Maaaring naririto ang US, Japan at iba pa, pero maitatanong, hanggang kailan sila mamamalagi sa ating panig?

Kailangan nating tumayo sa sariling paa, habang naririto pa sila at itinataya ang paninindigang idepensa tayo.

Nag-iiba ang ihip ng hangin, at ang tatag natin ay hindi dapat na iasa sa iba, kundi sa ating sariling kamay, braso at mga paa dapat itindig ang ating paninindigan para sa ating kalayaan.

Salamat sa mga kaibigang kumakampi sa atin ngayon, pero, sabi nga, nagbabago ang politika ng mga bansa.

Sa ngayon ay patatagin na natin ang ating depensa militar at itaas ang ating moral bilang mga Pilipinong mapagmahal sa Kalayaan!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

49

Related posts

Leave a Comment