Baha, landslide naitala sa mga lalawigan LIBO KATAO NAPERWISYO KAY ‘PEPITO’

LIBO-LIBO katao ang pinerwisyo ng Tropical Storm Pepito habang tinatahak nito ang direksyon palabas ng Pilipinas dahil sa idinulot na mga landslide at pagbaha, ayon sa inisyal na report ng National Disaster Risk Reduction Management Council.

Sa mga ulat na ipinarating sa NDRRMC ng kanilang mga lokal na tanggapan, maraming commuters sa bahagi ng Lopez, Quezon ang stranded kabilang ang mga patungong Bicol, Sorsogon at Leyte dahil sa baha. Daan-daang motorista rin ang naipit sa Diversion Rd ng Brgy. Canda at Brgy. Danlagan sa bayan ng Lopez bunsod ng lagpas taong baha.

Habang sa inisyal report, may 9,140 katao ang inilikas mula sa dalawang rehiyon sa Luzon.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Mark Timbal, hanggang kahapon ay walang idinulot na mga major untoward incident matapos mag-landfall ang Bagyong Pepito kamakalawa ng gabi.

Si Pepito ay nagdulot din ng malawakang pagbaha at landslide sa Central Luzon at Calabarzon.

Ayon kay Timbal, sa datos ng NDRRMC, nasa 335 indibidwal ang inilikas sa probinsiya ng Aurora na kasalukuyang tumutuloy sa 13 evacuation centers.

Habang nasa 8,840 naman ang inilikas sa Region 4A dahil sa mga naitalang malawakang pagbaha at landslide at pinatuloy ang mga ito sa 22 evacuation centers.

Sinabi ni Timbal nagkaroon din ng pagbaha sa Pampanga partikular sa Macandol at Macabebe kung saan umaabot sa 20 barangay ang lubog sa tubig.

Nakapagtala rin ng landslide sa Louissiana, Laguna; General Luna sa Quezon; Padre Burgos at Ginayangan, Quezon.

May naitala ring pagguho ng lupa sa bahagi ng national highway sa Sitio Omon, Brgy. San Isidro Ilaya, General Luna, Quezon.

Maraming motorista na rin ang stranded sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Bebito at Brgy. Magsaysay Poblacion.

Samantala, nakapagtala rin ang NDRRMC ng pagdaloy ng lahar o putik mula sa Bulkang Mayon kasabay ng pagragasa ng baha sa Purok 3 Barangay Maninila sa bayan ng Guinobatan.

Sa pahayag sa media ni Guinobatan MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office) head Joy Maravillas, umabot hanggang beywang ang lebel ng tubig na nagkulay abo at tsokolate.

Namataan ang pagtaas ng lebel ng baha at malakas na agos ng tubig sa daan patungong Barangay Tandarora kaya napilitan ang ilang motorista na umikot na lamang sa alternatibong ruta.

Ang mga naturang barangay ay kabilang sa 6-kilometer Permanent Danger Zone ng Bulkang Mayon.

Samantala, inalerto na rin ang mga barangay official sa Mayon unit area lalo pa’t una nang nagbaba ng abiso ang PAGASA weather bureau sa umiiral na La Niña. (JESSE KABEL)

240

Related posts

Leave a Comment